Call center agents na biktima ng human trafficking pisikal na inabuso – BI

MANILA, Philippines- Ibinahagi ng Bureau of Immigration (BI) na ang pinakabagong batch ng mga repatriate ay pawang mga biktima ng human trafficking, na nagmula sa Bangkok, ay ginutom at binugbog ng kanilang mga amo.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, ang pitong biktima na dumating noong Lunes mula sa Bangkok, ay pinagtrabaho sa Mae Sot, Thailand bilang mga scammer ng crypto currency.
Ikinuwento ng mga biktima kung paano sila ginutom, kinuryente, at binugbog gamit ang mga PVC pipe dahil sa hindi nila naabot na quota ng mga investors sa pseudo-investment scheme.
Nabatid sa BI, lahat ng pitong biktima ay umalis ng bansa patungong Bangkok o Singapore sa magkahiwalay na okasyon noong nakaraang taon bilang mga turista.
Noong Abril 1, tatlong iba pang biktima ang pinauwi mula sa Phnom Penh, Cambodia matapos mabiktima ng parehong sindikato.
Ibinunyag ng Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) sa isang ulat na huling umalis ng bansa ang isa sa mga pasahero noong 2019 bilang overseas Filipino worker (OFW) patungong UAE habang ang dalawa pa ay mag-asawang umalis ng bansa noong Agosto nitong nakaraang taon kung saan nagkunwari umano silang turista na magha-honeymoon sa Thailand.
Sila ay na-recruit para magtrabaho bilang Customer Service Representative sa Cambodia sa pag-asang makakuha ng suweldo na 1200 hanggang 1500 US dollars.
Ibinahagi naman ng OFW na lumipad siya mula Dubai patungong Cambodia nang walang anumang gastos ngunit sapilitang ipinasok sa trabaho para sa isang bogus online shopping platform na target ang mga Pilipino bago ibenta sa isang cryptocurrency scammer. Pagkatapos nito, muli siyang ibinenta sa ibang kumpanya para magtrabaho bilang isang love scammer kung saan hindi siya binayaran.
Ibinahagi ni Tansingco ang karanasan ng mag-asawang nagtrabaho sa ilalim ng hindi makatarungang mga kondisyon bilang customer support personnel para sa isang virtual shopping website na nag-aalok ng mataas na payout sa kanilang mga customer.
“According to the victims, their employers deceive their clients through a social messaging app where they will encourage them to invest more in their site but would not allow them to withdraw their investment after the first two successful payouts,” ani Tansingco.
Nagawa umano ng mag-asawa na makatakas sa kanilang mga amo at tinulungan ng Philippine Embassy sa Phnom Penh para makakuha ng exit clearances.
Lahat ng mga biktima ay na-recruit sa pamamagitan ng social media.
Nagpahayag naman ng pagkadismaya si Tansingco hinggil sa mga nasbaing insidente.
“They were stripped off of their rights to life and liberty. Imagine being sold off like inanimate objects,” ani Tansingco.
“This is modern-day slavery. It is deeply disturbing and must be stopped at once,” dagdag pa ng opisyal.
Pinaalalahanan pa ni Tansingco ang publiko na makipagtransaksiyon lamang sa mga lehitimong ahensya para sa mga oportunidad sa ibang bansa.
“Government agencies are appointed to protect and promote the welfare of Filipinos here and abroad. We reiterate our call to please secure work legally through our accredited travel agencies,” giit ni Tansingco.
Ang mga naiuwing mga biktima ay tinulungan ng mga opisyal mula sa Overseas Workers Welfare Administration pagkarating nila. JAY Reyes
Call center agents na biktima ng human trafficking pisikal na inabuso – BI
Source: Filipino Pinoys
Mag-post ng isang Komento
0 Mga Komento