SINASABING medyo gumanda ang kalagayan ng Metro Manila sa pananalasa ng COVID-19.
Sabi nila, maglalaro na lang sa 2,500-3,000 ang hawaan bawat araw batay sa naoobserbahan nila sa nagdaang mga araw.
Pero, inaamin nilang walang nakaaalam talaga kung anong meron bukas.
Ang mahalagang usapin dito, nakatulong nang malaki sa paghupa ng pandemya sa Kamaynilaan ang idineklarang enhanced community quarantine.
Nagsama ang pambansang pamahalaan at local government units sa pagdedesisyon para isailalim sa enhanced community quarantine ang rehiyon.
Siyempre pa, nakatutulong na rin nang husto ang parami nang paraming nagpapabakuna.
Kahit papaano, makaaasa ang mga bakunado na kung matamaan man sila ng COVID, bibihira na lang ang magkaroon ng severe o kritikal na kalagayan na kanilang ikaoospital at ikamamatay.
Nakatutulong din sila sa bawas-hawaan lalo na kung buo silang sumusunod sa mga health protocol at uri ng kwarantina na pinaiiral.
CHOOSY SA BAKUNA PUMUPUNO SA MGA OSPITAL
Heto ang isang katotohanan.
Alam ba ninyo na sa ilang ospital na halos mayayaman lang ang may kakayahang magpa-confine, eh, karamihan sa mga ito ang napaka-choosy sa bakuna?
‘Yun bang === mga naghihintay ng mga stateside na bakuna at ayaw nila sa iba na gawang China o India.
Hayun, 9 sa 10 ang tinamaan at dahil hindi sila bakunado, sila ngayon ang pumupuno sa ilang ospital.
Nagaganap sa kanila ang nagaganap sa United States na karamihan sa mga pumupuno sa mga ospital ay hindi bakunado.
Sa US, naghalo ang mga mayayaman at pobre at karaniwan sa kanila ang ayaw talagang magpabakuna.
Human right naman ang kinakatwiran nila.
Hindi umano pupwedeng idikta o ipilit ng gobyerno ang pagpapabakuna at gawin nila ang gusto nila, kasama ang karapatang tumanggi sa bakuna.
Pero lumalabas na marami na rin ang natatakot sa kanila na madale ng Delta variant kaya dumarami na ang nagpapabakuna.
Sabi ng mga ayaw magpabakuna pero naoospital, “Just take that stupid shot.”
Kitam?
12,000 PLUS AT MAHIGIT 100 PATAY
Nitong nagdaang mga araw, naglalaro sa 8,000-10,000 ang tinatamaan at mahigit 100 ang namamatay na sinisingitan ng mahigit 200.
Kahapon, nasa 12,021.
Kapag maraming laboratoryo ang hindi nakapagsusumite, kakaunti ang bilang ng mga nagkakasakit pero ngayong iilan lang ang hindi nakapag-report, anak ng tokwa, lumalabas na marami ang biktima.
Normal? Pwede, normal na normal.
Pero kung iisipin nating nitong nagdaang mga buwan ay naglalaro lang sa 5,000-6,000 ang mga biktima, malaking problema ang pag-abot ng bilang sa mahigit 12,000.
Lalo na kung iisipin natin na lumilitaw na ang mga problema sa suplay ng oxygen at oxygen tank sa mga ospital gaya sa Cebu.
Lumilitaw rin ang mga punuang mga ospital at pagtatayo ng mga tent na madali ring mapuno, kabilang na ang sa Philipine Red Cross.
At kung nasa 50-80 lang ang namamatay nitong nakaraaang mga buwan, ngayon halos laging mahigit sa 100 at lumalagpas sa 200.
Isang tanong ang mahalaga rito: Gusto ba nating mapabilang sa libo-libong nagkakasakit o kaya’y daang namamatay?
‘YANG DELTA VARIANT
Bago ideklara ni Pangulong Digong ang ECQ sa Metro Manila at iba pang lugar na inaatake ng COVID-19, nanindigan ang mga ispesyalistang doktor na miyembro ng Inter-Agency Task Force na dapat nang kumilos ang gobyerno na parang umaatake na nang malawakan ang Delta variant.
Tama sila dahil lundag na nang lundag ang pagdami ng variant na ito na mabilis makahawa sa rami ng virus na dala nito at mabilis ding pumatay gaya ng nangyayari sa India, Indonesia at maging sa United States na ngayon.
Libo pa rin araw-araw ang namamatay sa India at Indonesia at ang US, anak ng tokwa, paakyat nang paakyat ang bilang mula sa 200-300 sa 800 na ngayon.
Nasa kanila pa ngayon ang sobra-sobra sa suplay at pinakamalalakas daw na bakuna laban sa COVID gaya ng Pfizer at Moderna.
Dapat nating sabayan ang ginagawa ng gobyerno na pagliligtas sa atin sa pamamagitan ng pagbabakuna, pagpapairal ng health protocols at paglalapat ng iba’t ibang uri ng kwarantina.
Kabilang sa mga isabay natin ang hindi pagiging choosy ng mga bakuna dahil hindi ganoon kadali ang pagkakaroon natin nito dahil sa hoarding dito ng mayayamang bansa.
Oo nga pala, napakalaki ang ginagampanan ng mga local government unit, kasama ang mga pulis, sundalo, reserbang pwersa at mamamayan sa mga lalawigan para makontrol ang pagbiyahe ng mga tao kung saan-saan at pagkalat o hawaan kaya sa COVID-19.
Mag-post ng isang Komento
0 Mga Komento