BI nakaalerto ngayong Semana Santa
BI nakaalerto ngayong Semana Santa

MANILA, Philippines – Ipinahayag ng Bureau of Immigration (BI) na naka-heightened alert ang kanilang mga tauhan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at sa iba pang international ports sa buong bansa bilang paghahanda sa inaasahan nilang pagdagsa ng mga pasahero sa panahon ng Mahal na Araw.
“We are bracing for a surge in the volume of passenger who are expected to travel in and out of the country during the Holy Week, thus we have to alert our border control officers for any eventuality that may arise during this period,” pahayag ni Immigration Commissioner Norman Tansingco.
Nabatid din kay Tansingco na naglagay ang BI ng higit sa isandaang karagdagang opisyal ng immigration sa NAIA upang dagdagan ang bilang ng mga namamahala sa mga immigration booth sa mga arrival at departure areas ng mga pangunahing pantalan.
“This will ensure that our services to the traveling public are not interrupted or compromised even if there is a sharp increase in passenger volume. That is why we have banned our port personnel from going on leave during the Lenten break,” ani Tansingco.
Ayon sa BI chief, inatasan niya ang mga terminal head ng bureau sa mga paliparan na magpatupad ng mas mahigpit na hakbang sa pag-screen ng mga pasahero at harangin ang anumang pagtatangka ng mga sindikato ng human trafficking na samantalahin ang okasyon na makapangbiktima sa labas ng bansa.
Inatasan din ang mga tauhan ng BI port na maging mapagmatyag sa pag-screen sa mga dumarating na dayuhan upang matiyak na walang mga unwanted o illegal alien ang makakalusot sa bansa.
Ayon pa kay Tansingco, ang mga electronic gate ng BI ay fully operational sa airport na nagbibigay-daan sa digital processing ng arrivals nang kasing bilis ng walong segundo bawat pasahero.
Inaasahan ng BI ang mas malaking bilang ng mga manlalakbay na papasok at lalabas sa bansa sa panahon ng Lenten break ngayong taon dahil sa muling pagbubukas ng bansa sa mga hangganan nito matapos alisin ang COVID-19 travel restrictions.
Batay sa datos, ang mga padating ng pasahero sa mga paliparan ay nasa average na ngayon sa pagitan ng 30,000 hanggang 32,000 araw-araw, kumpara sa 5,000 hanggang 6,000 lamang noong nakaraang taon.
Ayon sa kanila, inaasahang tataas ang bilang ng halos 40,000 sa Huwebes Santo at mga susunod na araw.
Naglagay din ang BI ng 36 na bagong immigration officers na kamakailan ay nagtapos ng kanilang pagsasanay sa Philippine Immigration Academy sa Clark, Pampanga. JAY Reyes
BI nakaalerto ngayong Semana Santa
Source: Filipino Pinoys
BI nakaalerto ngayong Semana Santa
Philippines news
Pinoy Trending
politics
showbiz
sports
technology
trending Articles
viral post
Mag-post ng isang Komento
0 Mga Komento