Pananapak pananakal ng MPD personnel sa traffic enforcer ng Navotas hulicam!

MANILA, Philippines- Viral ang video ng ginawang pananapak at pananakal ng isang pulis-Maynila sa isang  traffic enforcer ng Navotas  nang sitahin ang una.

Makikita sa video na mismong ang hepe ng Navotas Police na si Colonel Allan Umipig ang nanguna sa pag-aresto kay Master Sergeant Ramos Guina ng MPD.

Ayon sa traffic enforcer ng Navotas na si Mark Luzuriaga, pinapara niya si Guina dahil walang prangkisa ang minamaneho nitong tricycle.

Ngunit hindi alam ni Luzuriaga na pulis ang kaniyang sinita dahil nakasibilyan ito.

Tinakbuhan ni Guina si Luzuriaga kaya nagkaroon ng habulan na nauwi sa pananapak ng pulis sa nguso ng enforcer.

Ayon kay Luzuriaga, sinakal pa siya ni Guina, at nilabasan din nito ng baril ang kaniyang kasama.

Nang malaman ni Umipig na sinaktan ni Guina si Luzuriaga na nakauniporme ng traffic enforcer, iniutos niya na arestuhin ang pulis na nakasibilyan.

Nagkaroon pa ng tensiyon nang tumangging magpaaresto si Guina at ayaw nitong ibigay ang sling bag niya na may baril.

Desidido si Luzuriaga na ituloy ang kaso laban sa pulis, na nahaharap sa reklamong assault upon an agent of a person in authority.

Depensa ni Guina, pinagmumura umano siya ng enforcer habang pinapara.

Bago ito, maririnig sa audio ng video na pinagmumura ng maraming beses ni Guina ang traffic enforcer sa harap ng mga nakaunipormeng pulis ng Navotas bago pa dumating si Col. Umipig.

Tiniyak naman ng tagapagsalita ng Manila Police District (MPD) na si Major Philipp Ines, hindi nila kinukunsinte sa kanilang hanay  ang isang miyembro ng kapulisan kapag nakagawa ng pagkakamali. Merly Iral



Pananapak, pananakal ng MPD personnel sa traffic enforcer ng Navotas, hulicam!
Source: Filipino Pinoys

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento