Pag-uuri sa COVID bilang karaniwang sakit inaasahan sa pagtatapos ng taon

MANILA, Philippines- Umaasa ang Department of Health (DOH) nitong na maiuri ang COVID-19 bilang isang karaniwang sakit sa bansa kapag naging stable na ang sitwasyon.

“It’s all part of having this kind of shift from a pandemic into endemicity. So, ito pong pagkakaroon ng endemic na state ng isang bansa sa isang sakit, kasama po ‘yan that you are now classifying this illness as something common already in the country. Hopefully towards the end of the year, sana po maging stable tayo,” sabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire sa panayam.

Ito ang naging tugon ng opisyal nang tanungin kung susundin ng Pilipinas ang hakbang ng Japan dahil itinakda nitong i-downgrade ang COVID-19 sa parehong antas ng seasonal flu sa Mayo 8.

Aniya, darating din sa puntong iyon, ngunit sa ngayon ay bantayan munang mabuti.

Base sa huling datos ng DOH, nasa 4,456 bagong impeksyon ang naitala mula April 24 hanggang 30. Nangangahulugan ito ng average na 637 kaso araw-araw, na 42% na mas mataas kaysa sa nakaraang linggo.

Sinabi rin ng OCTA Research group na tumaas sa 18.8% noong Mayo 1 ang positivity rate ng Metro Manila–  o ang rate ng mga taong nagpositibo sa COVID-19– mula sa 11.7% noong Abril 24.

Bagama’t ito aniya ang kasalukuyang sitwasyon, sinabi ni Vergeire na ang health system ng bansa ay maaari pa ring tumanggap ng lahat ng mga pasyente ng COVID-19. Nabanggit din ni Vergeire na ang karamihan sa mga impeksyon ay mild lamang.

Samantala, inulit ng DOH na ang mandatory o sapilitang pagsusuot ng face mask ay hindi ipapatupad pero inirerekomendang gawin ito kung ang sitwasyon ng COVID-19 sa bansa ay magiging kritikal.

Ayon kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, mahigpit na sinusubaybayan ng DOH at sa sandaling makita na ito ay kritikal ay saka irerekomenda sa Pangulo at IATF.

Nitong Martes sinabi ni Vergeire na ang daily COVID-19 cases sa bansa ay magpapatuloy sa 600 hanggang June dahil sa ilang mga kadahilanan.

Isa na rito ang pagtaas ng mobility, pagkakaroon ng iba’t ibang Omicron subvariants at vulnerability ng bawat indibidwal.

Hinihikayat pa rin ng DOH ang publiko na magsuot ng face mask ngunit muling iginiit ni Vergeire na hindi na muling ipapatupad ang mandatoryong paggamit nito.

Aniya ang hakbang na ito ay naglalayon na maipamulat sa publiko ang pag-uugali ng pagsuri sa mga panganib.

Sinabi ni Vergeire na bagama’t hindi ito ipapatupad sa buong bansa, pinapayagan ang local government units at establishments na magtakda ng kanilang mga patakaran sa paggamit ng mask. Jocelyn Tabangcura-Domenden



Pag-uuri sa COVID bilang karaniwang sakit, inaasahan sa pagtatapos ng taon
Source: Filipino Pinoys

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento