MDT, Treaty deals review kasama sa agenda ng US trip ni PBBM

MANILA, Philippines – SINABI ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na hihirit ang gobyerno ng Pilipinas ng pagsusuri at assessment sa  treaty agreements  na nilagdaan ng Pilipinas at Estads Unidos, at maging ang paigtingin ang  partnerships sa climate change mitigation at adaptation.

“Well, siyempre liliwanagin natin ulit ang talagang mga treaty agreement sa gitna ng Pilipinas at saka ng Amerika at titingnan natin kung dahil nga maraming pagbabago ay ‘yung climate change ay naging malaking bagay at magpapatulong tayo na para ano bang mga puwedeng gawin, ano bang mga strategy na puwedeng gawin,” ang pahayag ng Pangulo sa naging panayam sa kanya ni broadcaster at dating Social Welfare Secretary Erwin Tulfo, araw ng Lunes, Abril 24.

Ayon sa Pangulo, pag-uusapan ng mga opisyal ng Maynila at Washington ang commitments sa Mutual Defense Treaty (MDT), isang 70-year-old accord sa pagitan ng dalawang magkaalyadong bansa.

“We have to evolve it. It has to evolve dahil nag-e-evolve din, kailangan ina-adjust adjust din natin ‘yan dahil mayroon din talagang evolution, nagbabago rin sa sitwasyon na hinaharap natin dito sa South China Sea, sa gitna ng mga pangyayari, sa Taiwan, sa North Korea, lahat itong mga ano, na medyo umiinit ang sitwasyon dito sa atin,” ayon sa Pangulo.

Nauna rito, una nang pinangalanan ng Pilipinas ang Naval Base Camilo Osias sa Santa Ana, Cagayan; Lal-lo Airport sa Lal-lo, Cagayan; Camp Melchor Dela Cruz sa Gamu, Isabela; at Balabac Island sa Palawan  bilang karagdagang EDCA locations.

Ang panukala na dagdagan ang  EDCA locations ay inanunsyo ng Pilipinas at US defense department noong Pebrero.

Pagdating naman sa climate change initiatives, sinabi ng Pangulo na makikipagpulong siya sa mga  US officials para pag-usapan ang  “green bonds,”  sinasabing  financial instruments na inuugnay sa climate change solutions at  specific projects para tulungan na mabawasan ang carbon emissions.

“Mayroon silang binibigay na tinatawag na green bond. Ibig sabihin, magbibigay sila ng pondo para tulungan tayo para ayusin. Halimbawa ‘yung mga no build zone na ilipat dadalin sa — ilalayo sa dagat para naman hindi na tamaan ng ano, hindi na tamaan ng mabibigat na bagyo,” ayon sa Pangulo.

“Meron na rin tayong ginagawa doon sa climate change na may value ‘yung gubat. Basta’t may gubat ka, may value ‘yun, puwede mong lagyan ng dollar value ‘yun. At ‘yun ang puwede mong gamitin, puwede mong gamitin na pag-invest para doon nga sa mga pondo na binibigay. So malaking malaking bagay ‘yun,” dagdag na wika ng Chief Executive. Kris Jose



MDT, Treaty deals review kasama sa agenda ng US trip ni PBBM
Source: Filipino Pinoys

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento