Super Health Center sa Dipolog sinuri, mahihirap inayudahan ni Bong Go

MANILA, Philippines – Nagsagawa ng inspeksyon si Senator Christopher “Bong” Go sa Super Health Center sa Dipolog City, Zamboanga del Norte kasabay ng pangangakong ipagpapatuloy ang pagsusulong ng adbokasiyang palakasin ang pangangalaga sa kalusugan ng bansa.

Unang dumalo si Go sa groundbreaking ceremony ng Super Health Center noong Marso 3.

Ang Super Health Center sa Dipolog City ay magbibigay ng mga pangunahing serbisyong pangkalusugan tulad ng database management, out-patient services, birthing facility, isolation facility, diagnostic (laboratory, x-ray, at ultrasound) services, pharmacy services, at ambulatory surgical unit.

May espesyal din itong serbisyo tulad ng pangangalaga sa mata, tainga, ilong, at lalamunan (EENT), mga oncology center, physical therapy at rehabilitation center, at serbisyong telemedicine.

“Noon, sa mga napakalayong lugar ay walang access sa ospital ‘yung mga buntis at mangangaanak na lang sa jeep at tricycle. Sa layo ng biyahe, hindi na umaabot sa ospital,” ani Go.

“Ngayon po, magkakaroon na ng Super Health Center sa mga liblib na komunidad. Para ito sa mga kababayan natin sa malalayong lugar, makakatulong po ito lalo sa mga mahirap,” dagdag niya.

Tinukoy ng DOH, ang lead implementing agency, ang mga estratehikong lugar na pagtatayuan ng SHC. Sa Zamboanga del Norte, itatayo ang iba pang Super Health Centers sa Dapitan City, sa mga bayan ng Kalawit, Sindangan, at Sirawai. May dalawa pang planong itayo sa iba pang lugar sa Zamboanga del Norte.

Bukod sa pag-inspeksyon sa SHC, naroon din si Go para sa turnover ng tatlong bagong ambulance units sa Dipolog.

Sinuportahan ni Go ang pagpopondo para sa mga proyektong ito bilang vice chair ng Senate Committee on Finance.

Bukod sa mga nabanggit na proyekto, sinuportahan din ng senador para isulong ang pag-unlad ng lalawigan, ang pagtatayo ng mga multipurpose building sa Dapitan City, Jose Dalman, Mutia, President Manuel A. Roxas, Salug, Siocon, at Sindangan; pagkuha ng mga yunit ng ambulansya para sa Mutia at mga truck para sa Katipunan at Mutia; rehabilitasyon ng mga kalsada sa Dapitan City, Godod, Jose Dalman, Liloy, Kalawit Labason, La Libertad, Sergio Osmeña at Salug.

Namahagi rin ng tulong si Go at ang kanyang team sa 1,000 indigents nang araw ding iyon. Idinaos sa Dipolog Sports Complex, personal na pinangunahan ni Go ang pamimigay ng grocery packs, bitamina, masks at kamiseta sa mga residente.

Pinayuhan din ng senador ang mga residente na humingi ng serbisyo sa Malasakit Centers sa Jose Rizal Memorial Hospital sa Dapitan City o sa Zamboanga del Norte Medical Center (ZNMC) sa Dipolog City na binisita niya noong araw ding iyon.

Ang Malasakit Center ay isang one-stop shop na naglalayong bawasan ang mga bayarin sa ospital ng mga mahihirap na pasyente sa pinakamababang halaga.

“Natutuwa ako na mayroon tayong 157 na Malasakit Centers sa buong bansa. Hindi pumipili ang Malasakit Center ng tutulungan. Binabalik lang ang pera niyo sa inyo sa pamamagitan ng maayos at maaasahang serbisyo. Kaya sa mga poor and indigent patients diyan, puntahan niyo na lang ang Malasakit Center dahil para talaga sa inyo ito,” paniniyak ni Go. RNT



Super Health Center sa Dipolog sinuri, mahihirap inayudahan ni Bong Go
Source: Filipino Pinoys

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento