Lola natusta sa gasera

ALCALA, Cagayan – Naging uling ang bangkay ng isang 79-anyos na lola matapos masunog ang kanyang bahay dahil umano sa napabayaang nakasinding gasera, iniulat kahapon, Marso 31 sa bayang ito.

Kinilala ang biktimang si Carmen Soccoro, at residente sa Sitio Macabebe, Dalauig, Alcala, Cagayan.

Ayon kay SFO2 Joel Cauilan, ng Bureau of Fire Protection-Alcala, nagsimulang lumiyab ang bahay ng biktima madaling-araw ng Marso 28, subalit nakatanggap sila ng report bandang alas-6 ng umaga dahil mahina ang signal ng cellphone sa naturang lugar.

Pagdating ng mga awtoridad sa nasabing lugar ay naabutan na nilang kulay uling ang bangkay ng biktima at abo na rin ang buong bahay dahil gawa lamang sa light materials.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, mag-isa lamang ang biktima na nakatira sa kanyang bahay at gasera ang gamit nito na posibleng natumba habang nakasindi na naging sanhi ng sunog.

Natagpuan ng sunog na bangkay ng biktima malapit sa pintuan ng bahay nito na posibleng sinikap pa niyang makatakas sa sunog.

Umabot naman sa halagang P30,000 na mga ari-arian ang tinupok ng apoy. Mary Anne Sapico



Lola natusta sa gasera
Source: Filipino Pinoys

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento