Lola ginahasa saka pinatay ng kawatan, asawa patay din

BANSALAN, Davao del Sur- Walang saplot pang-ibaba ang lola na pinaniniwalaang ginahasa habang patay din sa saksak ang asawa nito matapos silang pasukin at pagnakawan ng mga hindi pa kilalang suspek, kamakalawa ng hapon sa bayang ito.

Kinilala ang mag-asawang nasawi na sina Evelinda Galigao Gumapac, 60-anyos at Modesto Balili Gumapac, 66-anyos, kapwa residente ng Purok Durian, Brgy. Kinuskusan, Bansalan, Davao del Sur.

Batay sa report ng Bansalan Municipal Police Station, bandang alas-4 ng hapon nang madiskubre ang bangkay ng mag-asawa sa kanilang bahay.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, natagpuan ang bangkay ni Modesto sa kanilang kwarto na tadtad ng saksak at naliligo sa sariling dugo habang ang kanyang misis ay nasa labas ng bahay nakadapa, walang saplot pang ibaba at may mga tama ng saksak sa noo at leeg.

Kwento ng mga kapitbahay ng biktima, bandang alas-10:00 ng gabi ay narinig nila ang ingay ng mga kahol ng aso ng mag-asawa, subalit hindi nila ito pinansin dahil normal naman sa kanila ang palaging pagkahol ng aso ng mga biktima.

Kinabukasan, nagtataka ang mga kapitbahay at hindi man lamang nila nakikita ang dalawang matanda dahil bago man sumikat ang araw ay gising na ang mga ito.

Dahil dito, sinubukan puntahan ng kanyang kapitbahay na si alyas Blas, para kamustahin ang mag-asawa, subalit laking gulat niya nang bumulaga sa kanyang harapan ang mag-asawang naliligo sa sariling dugo at wala nang buhay.

Sa pagresponde ng Bansalan-PNP, hinalughog ng mga suspek ang mga kagamitan ng mag-asawa at nawawala rin ang pera na pinagbentahan ng kanilang kopra.

Hinala ng pulisya, posibleng pagnanakaw ang motibo sa krimen at posibleng tinangkang makatakbo ni Evelinda palabas ng bahay subalit naabutan ito ng suspek at ginahasa muna bago pinatay.

Nagpapatuloy ang ginagawang follow-up investigation ng pulisya para malaman ang pagkakakilanlan at ikadarakip sa mga suspek. Mary Anne Sapico



Lola ginahasa saka pinatay ng kawatan, asawa patay din
Source: Filipino Pinoys

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento