Danyos sa Mindoro oil spill, posibleng lampas P1.1B – solon

MANILA, Philippines – Nakikinitang aabot ng mahigit sa P1.1 bilyon ang babayarang danyos mula sa malawakang oil spill sa Oriental Mindoro sanhi ng paglubog ng MT Princess Empress, ayon kay House tourism committee vice chair Rep. Marvin Rillo nitong Linggo, Marso 26.

Base ito sa naunang paglubog ng MT Solar, isa ring oil tanker, sa Guimaras noong 2006 – na umabot sa P1.1 bilyon ang binayaran sa 26,872 na naghabol ng danyos – kabilang na ang mga may-ari ng beach resort, tour boat operators, at iba pang may-ari ng mga tourism-based na hanapbuhay na naapektuhan ng insidente.

Kung ia-adjust umano sa inflation, ang babayarang danyos mula sa MT Princess Empress ay lalagpas sa P1.1 bilyon.

“Those who suffered economic losses, including fisherfolk, seaweed farmers, and fishpond operators, are also expected to file claims,” ani Rillo.

Ang mga ito ay maliban pa sa mga tourism-related claimants at property owners na apektado ng naturang oil spill.

Ayon pa kay Rillo, kabilang rin sa mga maghahabol ng danyos ay ang mga apektadong LGU, mga clean-up contractor, at ang Philippine Coast Guard.

Samantala, inihayag ni Mindoro Oriental Gov. Humerlito “Bonz” Dolor na nagbukas sila ng claims office sa kanilang kapitolyo nitong Lunes, Marso 27 na siyang mag-aasikaso sa mga maghahabol ng bayad-danyos mula sa MT Princess Empress.

Inihayag din ng abogado ng P&I Club, insurance company ng MT Princess Empress, na ang babayarang danyos ay depende sa epekto ng oil spill.

Matatandaang lumubog ang MT Princess Empress sa Naujan, Oriental Mindoro noong Pebrero 28 karga ang 900,000 litro ng krudo.

Humigit-kumulang 149,000 katao ang apektado ng oil spill, kabilang na ang halos 13,000 na mangingisda. RNT



Danyos sa Mindoro oil spill, posibleng lampas P1.1B – solon
Source: Filipino Pinoys

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento