Teves ‘di naman obligadong umuwi – Atty. Topacio

MANILA, Philippines – Para kay Atty Ferdinand Topacio, abogado ni Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr, walang “compulsory order” ang Kamara na nag-aatas na umuwi na ng bansa ang kanyang kliyente.

Ito ang ipinahayag ni Topacio sa kanyang liham para sa House Committee on Ethics and Privileges na ipinalabas sa media, sa nasabing liham, sinabi ni Topacio na maituturing lamang umano na “friendly advice” ang nauna nang pahayag ni House Speaker Martin Romualdez na bumalik ng bansa si Teves dahil napaso na ang kanyang travel authority.

Ang nasabing komite ang siyang may hurisdiksyon sa kaso ni Teves matapos hindi pa rin ito umuwi ng bansa sa kabila ng natapos na ang kanyang travel authority noong Marso 9.

Si Teves ay una nang humingi ng dalawang buwang extension ng kanyang leave dahil na rin sa nangangamba ito sa kanyang seguridad matapos isangkot bilang mastermind sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.

“By the tenor of the good Speaker’s statements on the matter, it is pellucid that he merely made a friendly advice to Rep. Teves to return to the country. It was an expression of concern, which our client deeply appreciates, but is far from being a command or directive,” nakasaad sa liham ni Topacio.

Sinabi ni Topacio na nalulungkot ang kanyang kliyente na hindi siya makadalo ng personal sa pagdinig ng komite ngunit maaari naman gawin sa pamamagitan ng online gaya ng mga nakagawian na sa plenary session at committee hearings.

Nanindigan ang abogado na ang “security concern” pa rin ang dahilan ng hindi pag-uwi ni Teves.

Giniit pa ni Topacio na umaasa ang kanyang kliyente na mauunawaan siya ng komite at ng Kamara sa kabuuan sa hindi pa rin nito pag-uwi.

“In addition, Rep. Teves invites the attention of the Committee, and the House in general, to the latitudinarian attitude of the House to absences made by its members when the same is due to good and valid causes. We feel that grave and serious security concerns are one of those valid causes,” dagdag pa nito. Gail Mendoza



Teves ‘di naman obligadong umuwi – Atty. Topacio
Source: Filipino Pinoys

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento