Ilang opisyal ng gobyerno, posibleng makasuhan sa oil spill – solon

MANILA, Philippines -Sinabi ng isang mambabatas na posibleng ihain ang reklamong negligence sa Office of the Ombudsman laban sa ilang ahensya ng gobyerno dahil sa malawakang oil spill sa Oriental Mindoro dahil sa lumubog na MT Princess Empress.

“Under present laws, negligence on the part of government officials would be a criminal act, and therefore a complaint can be filed before the Ombudsman and possibly elevated to the Sandiganbayan,” sinabi ni House of Representatives Committee on Natural Resources chairman Elpidio Barzaga Jr. sa panayam ng CNN Philippines.

Nakatakdang busisiin ng Kamara na pangungunahan ng komite ni Barzaga ang dahilan ng oil spill, na ngayon ay nakarating na sa Isla Verde sa Batangas.

Maliban sa Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority (MARINA), mag-iimbita rin ang komite ng ilang resource person sa pagdinig kabilang na ang kapitan at crew ng tanker.

Aniya, nais ng mga mambabatas na malaman ang dahilan sa likod ng insidente upang kumpirmahin kung nagtataglay ba ang tanker ng higit pa sa 800,000 litro ng industrial oil.

Bagama’t inatasan na ang Department of Justice (DOJ) na magsampa ng kaukulang reklamo, maaari namang magpanukala ng pag-amyenda ang ilang mambabatas sa kasalukuyang umiiral na batas upang maiwasan na ang mga kahalintulad na insidente sa hinaharap.

Kabilang ani Barzaga sa pinag-aaralan nilang amyenda ay ang pagdaragdag ng multa sa mga ahensya ng gobyerno na sangkot sa pagbibigay ng permit sa mga tanker, pamamaraan sa pagtukoy ng criminal liability sa mga may-ari ng tanker na sangkot sa oil spill, pagsiguro na amy sapat na insurance ang barko bago maglayag at indemnity bond sa oras na magkaroon na naman ng insidente ng oil spill.

Kasalukuyan nang nagsasagawa ng sariling imbestigasyon ang DOJ matapos mapag-alaman na pinayagan ng PCG at MARINA ang MT Princess Empress na maglayag sa kabila ng pagkakaroon ng isyu sa permit nito.

“It was actually intended as a liquified gas carrier and then reworked to be a motor tanker,” ani Barzaga.

“There is negligence on the part of the owners and also on the part of the government agencies kung bakit hinyaang tumakbo ‘to.”

Sa huling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, mayroon nang mahigit 149,000 indibidwal ang apektado ng oil spill sa Oriental Mindoro at karatig-probinsya. RNT/JGC



Ilang opisyal ng gobyerno, posibleng makasuhan sa oil spill – solon
Source: Filipino Pinoys

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento