Sariling amo, biniktima ng kasambahay sa QC

MANILA, Philippines – Himas-rehas ngayon ang isang kasambahay matapos na matuklasan ng kanyang amo ang tangka nitong pagnanakaw sa kanyang mahahalagang kagamitan at pera sa lungsod Quezon.

Kinilala ang suspek na si Mary Grace Estefani, 23 anyos, tubong Bicol at residente ng Carolina, Naga na nagtangkang pagnakawan umano ang kanyang amo na sina Mary Lou Chua, businesswoman, at anak niyang si Marc Jonathan Chua, nakatira sa Brgy. Lourdes, Q.C.

Base sa ulat, dakong 4:00 ng hapon (November 20) nang dalhin sa himpilan ng pulisya ang suspek makaraan na mabuko ng biktima ang panloloko nito at pagnanakaw.

Nauna rito, bandang 3:30 ng hapon (November 19) nang mapansin ni Marc na ang pintuan ng kuwarto ng kanyang ina ay may butas.

Nang kanyang silipin ay nakita niya si Estefani na naghahaluhog sa mga kagamitan at napansin nito na ang bundle ng pera at mga alahas ay nasa kama.

Nang kumprontahin, sinabi ng suspek na mayroon umanong tumawag sa kanya at sinabing nasa ospital ang kanyang babaeng amo matapos na maaksidente at nagpapakuha ng pera.

Tinawagan naman ni Marc ang linyang sinasabi ni Estefani, ngunit itinanggi umano ng sumagot ang sinasabi ng suspek. Kinumpirma rin ni Marc sa kanyang ina ang estado nito, ngunit maayos naman at hindi nadisgrasya.

Binalak ni Marc na i-entrap ang sinasabi ng suspek na nagpapadala sa pera na aniya ay dapat dalhin sa pinakamalapit na 7/11 convenience store.

Dahil dito, tumawag si Marc sa Barangay Lourdes upang madakip sana kung sinuman ang tumawag kay Estefani subalit muling nag-alibi ang katulong at sinabi na sa GCASH na lamang daw pinapadala ang pera.

Nagtungo si Marc at katulong sa Barangay Lourdes para ipa-blotter ang pangyayari bago umuwi sa bahay.

Nang dumating naman si Mary Lou sa kanyang tahanan bandang 11:30 ng gabi ay agad na sinabi nito sa katulong na kanyang iinspeksyunin ang mga kagamitan nito at dito na natuklasan sa pink back pack na pag-aari ni Estefani ang mga iba’-ibang mahahalagang kagamitan ng biktima.

Pasado 2:00 ng madaling araw (November 20) nang magkakasabay na nagtungo sa barangay ang mag-ina kasama na ang suspek para sabihin ang pangyayari at dakong 9:00 ng umaga ay nagdesisyon na si Mary Lou na magsampa ng kaukulang reklamo laban kay Estefani dahilan upang dalhin naman ang huli sa istayon ng pulis.

Nabatid na ang suspek ay September 8 lamang tinanggap bilang kasamabahay ng mga Chua.

Tinatayang nasa halagang P264,260 na cash at iba-t-ibang mga alahas at mahahalagang mga kagamitan ang narekober mula sa suspek.

Nakapiit na si Estafani at nahaharap sa kasong qualified theft. Jan Sinocruz



Sariling amo, biniktima ng kasambahay sa QC
Source: Filipino Pinoys

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento