Nabalam na P100K cash gift ibibigay pa rin sa pamilya ng yumaong centenarian – DSWD

MANILA, Philippines – Magbibigay pa rin ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng P100,000 cash gift sa pamilya ng yumaong centenarian na si Lola Eugenia.

Ito ay bilang pagsunod pa rin sa Centenarians Act of 2016.

Maaalalang umingay sa social media ang usapin na nakamatayan na lang ni Lola Eugenia ang cash gift noong Setyembre 12.

Kinakailangan pa umanong magpasa ng mga kailangang dokumento ang pamilya ni Lola Eugenia para matanggap ang cash gift.

“As of last Monday, hindi pa naibibigay. However, makukuha pa rin ng kanyang mga naiwang kamag-anak. Sad to say nga lang na ‘di na napakinabangan ni lola,” paliwanag ni DSWD Assistant Secretary Glenda Relova sa panayam sa radyo.

Ayon pa kay Relova, ilan sa mga kailangang ipasa ng pamilya ng centenarian ay ang patunay na sila ay immediate family ng matanda, death certificate ni Lola Eugenia, kopya ng birth certificate at ID ng pamilya niya, at special power of attorney na nagpapahintulot na ibigay sa claimant ang P100,000.

Paglilinaw naman ng ahensya, may mga pagkakataon na hindi nila agad naibibigay ang cash grant dahil ibinabase nila ito sa listahan na ibinibigay naman ng local government unit.

“May dumadating na pagkakataon na underestimated ang sina-submit sa amin. Kapag nakapagbigay na kami ng number ng allocated beneficiaries kailangan namin humingi ng augmentation sa [Department of Budget and Management] para mapondohan para sa excess that were allocated by the department,” dagdag ni Relova.

Nilinaw din ng DSWD na hindi talaga kasama sa listahan ng 952 centenarians si Lola Eugenia.

“‘Di pa po siya nakasama doon. Ang aming target ay 985 noong 2020, ang na-serve is 985. Si Lola Eugenia ay karagdagan sa target.”

Sasailalim pa sa verification at pagsusuri ang mga dokumentong ipapasa ng pamilya ng yumaong centenarian. RNT



Nabalam na P100K cash gift ibibigay pa rin sa pamilya ng yumaong centenarian – DSWD
Source: Filipino Pinoys

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento