Mamahaling kotse ng Pharmally execs, binulatlat sa Senado

MANILA, Philippines – Binulatlat sa Senate hearing patungkol isyu ng ‘overpriced’ medical supplies ang mga mamahaling kotse na nabili ng tatlong top executives ng Pharmally.

Ito ay makaraang isiwalat ni Senador Richard Gordon na nagkakahalaga ng halos P52.9 milyon ang mga brand-new luxury vehicles na nabili matapos na makapagsara ng P11.5 bilyon kontrata ang kumpanya mula sa pamahalaan para sa mga COVID medical supplies.

Kabilang sa mga hinimay ay ang presyo ng mga sasakyan.

Halimbawa ay ang Blu Astraeus 2021 Lamborghini Urus, na nabili ni Pharmally president Twinkle Dargani ay nagkakahalaga ng P25 milyon.

Nagkakahalaga naman ng P8.5 milyon ang nabiling 2021 Porsche 911 Turbo S ng corporate secretary at treasurer ng Pharmally na si Mohit Dargani na ipinarehistro nitong Mayo.

Nadagdag naman sa pagmamay-ari na luxury vehicle ni Pharmally director Linconn Ong ang 2021 Lexus RC F na nagkakahalaga ng P5.9 milyon kasunod ng nauna na nitong nabili taong 2019 na 2021 Porsche Carrera na nagkakahalaga ng P13.5 milyon.

Dahil dito nagtataka umano si Gordon dahil sa murang edad ng mga nabanggit na pangalan ay mayroon na kaagad ang mga ito na napakalaking halaga ng ari-arian at pera.

“How can you explain that?” tanong ni Gordon.

“Is that your only car?” dagdag na tanong ni Gordon sa isa sa mga Pharmally executives.

Sagot naman ni Mohit na siyang natanong ni Gordon, maliban sa pulang Porsche ay mayroon din siyang Toyota Fortuner.

Itinanggi naman niya na mayroon pa siyang Ferrari.

Sa Martes, Setyembre 21 ay inaasahang magpapatuloy ang Senate hearing patungkol sa multi-bilyon transaksyon ng pamahalaan sa Pharmally para sa mga medical supplies na kinakailangan ng mga health workers ngayong COVID pandemic. RNT



Mamahaling kotse ng Pharmally execs, binulatlat sa Senado
Source: Filipino Pinoys

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento