14,249 pang bagong kaso ng COVID naitala; 233 patay, 11,714 gumaling

Manila, Philippines – Nahigitan pa ang bilang ng naitalang bagong kaso kahapon matapos lumabas sa huling datos ng Department of Health (DOH) ang mahigit 14,000 kaso ngayong araw.
Sa case bulletin ng DOH, sumampa sa 14,249 ang bagong kaso ngayong August 14 na mas mataas ng mahigit isang libong kaso kumpara sa naitala kahapon na 13,177.
Umabot naman sa 11,714 ang bagong recoveries ngayong araw na mas mataas ng 7,385 kumpara sa naitalang bagong gumaling kahapon na 4,329 lamang.
Sa kabuuan, umabot sa 1,598,314 ang gumaling sa COVID-19 sa bansa.
Ang bagong pumanaw naman ay umabot lamang sa 233 kaya umakyat na sa kabuuang 30,070 ang namamatay sa naturang virus.
Malapit naman nang sumampa sa isang daang libo ang aktibong kaso matapos makapagtala ngayon ng 98,847.
Karamihan sa aktibong kaso ay mild cases na nasa 95.9 percent at sinundan ng severe cases na nasa 1.4 percent lamang
Ayon sa pinakahuling ulat, lahat ng mga laboratoryo ay operational noong August 12, 2021 habang mayroong 4 laboratoryo na hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS).
Base sa datos sa nakaraang 14 na araw, ang kontribusyon ng apat na laboratoryo na ito ay humigit kumulang 3.4% sa lahat ng samples na naitest at 2.8% sa lahat ng positibong mga indibidwal.
Sa patuloy na pagtaas ng mga kaso, pinaaalalahanan ng DOH ang lahat na patuloy na sumunod sa minimum public health standards.
Kapag naman nakaranas ng mga sintomas ay agad na mag isolate at kontakin ang inyong Barangay Health Emergency Response Teams. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)
Mag-post ng isang Komento
0 Mga Komento