Manila, Philippines – Inaasahang sa darating na Disyembre ay bubuksan na sa publiko ang itinuturing na “Best in Asia” na bagong Manila Zoo.
Ito ang pahayag ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso kasabay ng isinagawa nitong inspeksyon sa konstruksyon ng bago, maayos at mas malinis na Manila Zoo.
Ayon kay Domagoso, hindi na kailangan pa ng publiko partikular na ang Manilenyo na magpunta sa ibang bansa para makapamasyal lamang sa kanilang mga zoo.
“Hindi mo na kailangan pumunta pa sa Singapore. May sorpresa ako sa mga tao, sa gabi pwede ka pumunta sa Manila zoo. Magugulat sila, kase akala nila ang zoo tuwing araw lang e. May night safari,” ani Domagoso.
“Excited ako sa mga bata, biruin mo kahit mahirap ka hindi mo na kailangan pumunta sa Dubai, San Diego, Singapore, Universal. Kahit mahirap na bata, matitikman niya ang natitikman ng may pera,” dagdag pa ng Alkalde.
Nabatid naman sa Department of Engineering and Public Works (DEPW) na pinamumunuan ni Engr. Armand Andres, nasa 39.80% complete na ang konstruksyon sa Manila Zoo.
Plano naman ni Domagoso na sa oras buksan sa publiko ang Manila Zoo, ang unang makapamamasyal dito ng libre ay ang mga workers o manggagawa na gumawa ng nasabing bagong zoo kasama ang kanilang pamilya.
“Pilitin natin matapos ito ng December pero unahin lang natin lahat ng nagtrabaho, yung pamilya nila, sila ang unang papasok dito. Mga construction workers, engineer, mason, pulis, lahat ng nakadestino dito. Kase sila naman nagtrabaho dito, ipakita muna nila ito sa pamilya nila,“ giit pa ni Domagoso. JAY Reyes
Mag-post ng isang Komento
0 Mga Komento