PANALANGING NAGMUMULA  SA KAIBUTURAN NG ATING MGA PUSO

BILANG mga Kristiyanong Katoliko, naniniwala tayo na ang panalangin ay personal na komunikasyon natin sa ating Diyos at Panginoon. Bagama’t may mga turong dasal ang ating Inang Simbahan, iba pa rin ang dating ng isang panalanging nag-mumula sa kaibuturan ng ating mga puso.

Nasanay tayo na ang bawat araw at ang bawat gawain ay sinisimulan natin sa panalangin.
Dito na nagkakabukingan, sa bahagi kasi ng pangunguna sa pagdarasal ay marami ang umaayaw at para bang nahihiya na makipag-usap sa Kanya.

Nangyayari tuloy na pare-parehas na lamang na tao     ang nangunguna sa mga   pagdarasal.

Ang pangunahing dahilan ng marami sa pangunguna sa pagdarasal ay hindi raw nila alam kung papaano ang “formula” o mga bahagi ng panalangin dahil sanay sila na taimtim at one-one ang pakikipag-usap sa Diyos.

Papaano ba dapat buuin ang isang dasal. Hindi ito formula prayer kundi mga panuntunan lamang.

1. Matapos ang panimulang pag-antada ng Krus, simulang magbigay ng papuri sa Diyos dahil Siya ay dakila, puspos ng kapangyarihan, ng awa, habag at pagmamahal, at Siya at tumutupad sa Kanyang pangako.

2. Matapos ay magpasalamat sa Diyos para sa pagkakaloob ng buhay at mga biyaya sa araw na iyon at sa kabuuan ng ating buhay. Sabihin na lubusan mo o nating pinasasalamatan ang  lahat ng Kanyang kaloob.

3. Matapos ay ipagdasal ang isa o mga kakilalang sa tingin mo ay lubos na nangangailangan ng kalinga na hindi kinakailangang banggitin ang pangalan dahil sa pinagdaraanang mabigat na alalahanin sa buhay.

4. Sunod na ipagdasal ang mga taong hanggang sa kasalukuyang panahon ay hindi pa nakikilala ang Panginoong Hesukristo bilang nagbibigay ng kaliwanagan at ng kaligtasan sa ating mga buhay.

 5. Aminin sa Kanya na nahihirapan kang magbigay ng pagpapatawad dahil labis kang nasaktan sa ginawa sa’yo ng isang tao o mga tao, pero hilingin na nawa ay mabuksan ang iyong puso at isipan at makapagbigay-raan sa pagpapatawad.

 6. Sunod na ipagdasal ang Inang Simbahan na lalo pa itong tumatatag para sa pagpapahayag ng ating pananampalataya gayundin  ang iba pang maringal na mga relihiyon, nawa ay magkaroon ng pagkakasundo hinggil sa pagkakatulad ng mga pananampalataya at hindi sa usapin ng pagkakaiba-iba para sa kagalingan ng mundo.

7. Ipagdasal ang bansa at mga namumuno rito gayu- din sa iyong komunidad na para sana sa ikabubuti ng marami ang bawat desisyon, programa, proyekto, at mga batas na gagawin, at hindi sa ikasisira ng lipunan at mga buhay ng ating mga kababayan.

8. Magdasal at hilingin sa Panginoon ang pagkakaloob ng pagpapakumbaba, kabutihan, pagkatuto, pagsunod, responsibilidad, katalinuhan, pag-asa at lakas ng loob sa bawat isa para sa pagsasabuhay ng isang buhay na punom-puno ng pananam-palataya.

9. Sa bandang huli ng panalangin ay ibigay ang buong pagtitiwala sa Diyos at tanggapin ang Kanyang kalooban katulad ng ginawa ni Mama Mary sa pagpapakita ng Anghel at sa paanan ng Krus ng Kalbaryo.

10.  Tapusin ang panalangin nang may pagtaggap at paniniwala sa kaligtasang dulot ng pag-antanda ng Krus.

Bagama’t walang tama at maling panalangin, magandang sundin ang mga ibinahagi ko sa inyong panuntunan sa panananalangin para mas higit na maging makabulu-  han at may direksyon ang inyong pakikipag-usap sa Panginoong ating pinagmulan.



PANALANGING NAGMUMULA  SA KAIBUTURAN NG ATING MGA PUSO
Source: Filipino Pinoys

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento