Pinas napalilibutan at nakadkit na sa mga bansang may Omicron variant

Napalilibutan na ang Pilipinas ng mga kadikit nitong bansa na may mga Omicron variant.

Kabilang sa mga bansang mayroon na ng nasabing virus ang Singapore, Malaysia, Hong Kong, Sri Lanka, India, South Korea, Japan at Australia.

Sa Singapore, dalawa ang natagpuang may dala na Omicron variant at parehong nanggaling sa South Africa at sila’y naka-quarantine na umano sa National Centre for Infectious Diseases (NCID).

Gayunman, pareho umanong may “mild symptoms of cough and scratchy throat” at doble bakunado.

Sa Malaysia, sinabi ni Health Minister Khairy Jamaluddin na isang babaeng estudyanteng South African at nag-aaral dito ang biktima.

Pag-uwi nito mula sa pagbisita sa kanyang pamilya sa South Africa, dumaan muna sa Singapore at tumuloy na sa Malaysia.

Kinwarantin na ito kasama ang mga nadatnan niyang iba pa sa kanyang eskwela, tinutuluyang bahay at mga tsuper ng mga sasakyang sinakyan niya.

Sa Sri Lanka naman, sinabi ni Health Minister Keheliya Rambukwella na nanggaling ang biktima sa bansang Nigeria at gumagawa na sila ng paraan na hindi kumalat ang nasabing virus sa kanila.

Sa South Korea naman, may limang kaso ito kasama rito ang mag-asawang galing sa Nigeria.

Nahawaan nila ang tsuper na sumunod sa kanila sa airport sa kanilang pag-uwi.

Dalawang babae na nanggaling din sa Nigera ang tinamaan.

Sa Australia, siyam sa mga biktima ang nanggaling sa ibang bansa samantalang isa sa kanila na isang estudyante na merong virus ang basta na lang nagkaroon ng sakit kahit hindi bumibiyahe sa ibang lugar.

Sa Japan, isang Japanese diplomat na galing sa Namibia ang umuwing may dalang Omicron variant.

Hindi naman konektado rito ang isa pang biktima na hindi Hapones kundi isang Peru national.

Nauna nang nagkaroon ang Hong Kong ng dalawang biktima na galing sa South Africa.

Dahil sa pangyayari, isinama nang pinagsarhan ng pintuan ng Japan maging ang bansang Angola sa mga nauna nang may pinatawan nito ng travel ban gaya ng Angola, Botswana, Eswatini, Lesotho, Malawi, Mozambique, Namibia, South Africa, Zambia and Zimbabwe.

Samantala, patuloy naman ang pag-uwi ng mga Pilipino mula sa mga bansang sinasalakay na ng Omicron variant at pinatawan na ng Pilipinas ng travel ban gaya ng Czech Republic, Hungary, the Netherlands, Switzerland, Belgium, and Italy na maging epektibo sa Disyembre 15, 2021.

Nauna rito, may travel ban na sa mga bansang South Africa, Botswana, Namibia, Zimbabwe, Lesotho, Eswatini, and Mozambique.

Pinaghahandaan na nang husto ng Pilipinas ang hindi umano maiiwasang pagpasok dito ng Omicron variant. Fred Cabalbag



Pinas napalilibutan at nakadkit na sa mga bansang may Omicron variant
Source: Filipino Pinoys

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento