BUNTIS KA? DAPAT KANG MAGPABAKUNA VS COVID

KUNG matatandaan natin, sa kalagitnaan ng nakaraang buwan ng Agosto, inanunsyo ng Department of Health na kasama na ang mga buntis sa mga pupwedeng mabakunahan laban sa COVID-19 at kahanay na sila ng A3 o may mga sakit bilang prayoridad sa pagbabakuna.

Sa ibang bansa gaya ng United States, hindi lang ang mga buntis kundi ang mga mabubuntis pa lang at nagpapadede ang pupwedeng mabakunahan.

Ang kondisyon lang ng DOH, tanging ang Sputnik V ang hindi gagamitin habang ligtas at epektibo ang iba pang mga bakuna.

Tinatalakay natin ito dahil nanggagaling sa mga buntis, o magbubuntis pa lang o nagpapadede ang marami sa mga ayaw magpabakuna.

Katwiran nila, baka mapasama ang kalagayan ng kanilang mga baby o mismo silang mga ina kahit pa malinaw na malinaw ang pagtitiyak ng DOH na hindi nakasasama kundi nakabubuti sa kanila ang bakunang kontra-COVID.

HINDI BAKUNADO NAMAMATAY

Lumilitaw sa mga bansang US, United Kingdom at iba pa na sa hanay ng mga babaeng nako-COVID na buntis, 76-90 porsyento sa kanila ang hindi bakunado.

Sa US, nitong Agosto 2021, 76 porsyento sa mga buntis sa US na nako-COVID ang hindi bakunado.

Sa bandang timog o south na mga estado ng US, pati ang California at Washington, 15 porsyento sa nako-COVID na buntis namamatay, 14% ang tinutubo ngunit nabubuhay naman at 22% ang napapaagang manganak.

Sa Mississippi lamang, 15 ang patay na ‘di bakundaong buntis sa loob lang ng isang buwan at iba pa nakukunan o napapaagang manganak na isinasailalim sa caesariang operation.

Sa UK naman nitong katapusan ng Oktubre, napag-alamang 85% sa mga kababaihang buntis ang hindi bakunado at nasa 20 porsyento sa lahat ng nako-COVID nang kritikal o nasa intensive care unit ang binubuo ng mga buntis na hindi bakunado.

At ayon sa  MBRRACE-UK Confidential Enquiry into Maternal Deaths, 13 ang patay nitong Hulyo, 11 noong Enero 2021 at 9 noong 2020.

Magkatulad ang rekord ng US at UK na magsimula sa huling bahagi ng 2021, higit na dumarami ang naoospital ng buntis kumpara sa mga biktima noong nakaraang taon at unang bahagi ng taong ito.

MAGANDANG BALITA SA BAKUNADO

Noong una, wala talagang katiyakan sa pagbabakuna sa mga buntis, nagpapadede at magbubuntis pa lamang.

Ito’y dahil hindi sila kasali sa mga clinical trial na isinasagawa kundi sa mga edad 18 hanggang senior citizen at mga maysakit.

Pero nang nagsimulang magkaroon ng clinical trial sa nakararaang mga buwan sa US, UK at maging sa China, napag-alamang ligtas at epektibo rin pala ang mga bakuna sa mga nasabing kababaihan.

Kaya naman, simula sa nakaraang Hulyo-Setyembre, napatunaya nang maganda ang bakuna sa mga buntis.

At alam ba ninyong sa 100,000 buntis sa UK at 150,000 naman sa US na nabakunahan at na-COVID, naligtas sila sa disgrasya, kasama ang kanilang mga baby.

NAGPAPABAKUNA NA, MAY INSENTIBO PA

Simula nitong nakaraang buwan na binabakunahan na ang mga Pinay na buntis, nakatutuwang malaman sa kanila na sila’y happy.

Kakaunti lang umano ang nakaramdam ng mga side effect at malaki ang pag-asa nila na magiging maginhawa ang kanilang pagluluwal.

Pero ang isang ikinatutuwa pa nila, aba, may libreng gatas at mga bitamina na ibinibigay sa kanila ng mga local government unit gaya sa Sta. Maria, Bulacan.

Hindi naman malinaw kung kasama ang mga ‘di bakuandong buntis sa mga nabibigyan ng ganitong insentibo pero bakas ang kasiyahan ng mga nababakunahan.

Ang mga hindi naman nagpapabakuna, panay kaba ang nararamdaman nila at siyempre pa, baka pati ang mga dinadala nilang sanggol ay ipanganganak na may sakit na kaba dahil lang sa kaba ng kanilang mga magulang na ma-COVID at madisgrasya.

MAGPABAKUNA NA

Ang payo natin sa mga buntis, magbubuntis pa lang at nagpapadede, magpabakuna na kayo.

Ating naaalaala ang posibleng muling pagsipa ng COVID sa buong Pinas dahil sa pagluluwag sa lahat na lumabas ng tahanan, sumakay sa mga pampublikong sasakyan at pumunta sa mga matatao at kulob na lugar, mamasyal at maghanda sa Pasko at sasali sa mga pagtitipon ng mga politiko kaugnay ng halalang 2022.

Mismong ang DOH ang nagsasabi na maaaring sisipa sa 52,000 araw-araw ang magkaka-COVID kapag babalewalain ng mga pinalalayang mamamayan ang mga health protocol.

Ngayon, kung darami nga ang magkaka-COVID, anak ng tokwa, tiyak na may mga madadamay na buntis, nagpapadede at magbubuntis pa lang.

Sana naman, hindi sila malista sa mga kritikal at tinutubo sa ospital hanggang sa sila’y kawayan ng kamatayan, kasama ang kanilang mga baby.



BUNTIS KA? DAPAT KANG MAGPABAKUNA VS COVID
Source: Filipino Pinoys

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento