PAALALA SA PUBLIKO: MAY COVID PA!

TILA nakawala sa hawla ang maraming Pilipino nang ibaba sa Alert Level 2 ang quarantine restriction sa Metro Manila at walang pangambang iginala maging sa closed areas, tulad ng malls, ang mga batang wala pang bakuna kontra COVID-19.

Wala namang anunsyo ang pamahalaan na wala nang COVID-19 sa bansa.

Bahagya lang niluwagan ang restrictions upang kahit papaano’y makabawi ang pinadapang ekonomiya ng Pilipinas. 

Kaya naman paulit-ulit ang paalala ng gobyerno na panatilihin pa rin ang pagsunod sa health and safety protocol at hangga’t maaari ay iwasan ang matataong lugar. 

 Talaga bang hindi nagdudulot ng pangamba sa ating mga Pilipino ang surge ng COVID-19 cases na nagaganap ngayon sa ilang bahagi ng Europe at China? 

Kung magpapakampante ang marami at iisiping tapos na ang ating laban kontra COVID-19, hindi malayong muling sumipa ang mga kaso ng sakit lalo’t hindi pa ipinamamahagi ang booster shot ng mga bakuna sa bansa. 

Konting tiis na lang kung tutuusin dahil patuloy ang pagbaba ng mga kaso sa bansa at unti-unti na ring nagbubukas ang iba’t ibang establisimyento. Hindi na ba talaga makapaghintay ang marami sa atin? 

Kaya pa ba ng mga frontliner at budget ng pamahalaan na pangasiwaan ang panibagong kalbaryo sakaling muling magkaroon ng surge ng COVID-19 cases?

Nawa’y hindi mabalewala ang lampas isang taon nating pakikipagbuno sa nakahahawang sakit. Kaya pang-unawa ng publiko ang dapat mangibabaw ngayong nananawagan ang pamahalaan ng patuloy na partisipasyon upang tuluyan na nating mawakasan ang hagupit ng COVID-19.

Maaaring tunay na nasabik ang marami sa paglabas ng bahay partikular na ang pagsama sa kanilang mga batang anak sa pamamasyal pero sana’y unahin pa rin ang pag-iingat at pagsisiguradong hindi makapasok sa mismong mga tahanan natin ang COVID-19.



PAALALA SA PUBLIKO: MAY COVID PA!
Source: Filipino Pinoys

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento