Mga Pinoy pangatlo sa pinakaraming nabiktima ng hate crimes sa US; Malakanyang umapela

MANILA – Umapela ang Malakanyang na tigilan na ang pananalasa ng anti-Asian violence sa Estados Unidos.

Binigyang diin ni Presidential spokesperson Harry Roque na ang mga immigrants kabilang na ang mga Filipinos ang dahilan kung bakit nagiging magaling ang ibang bansa.

Pumangatlo kasi ang mga Pilipino sa mga lahing nagiging biktima ng hate crimes sa Estados Unidos.

Base ito sa ulat ng non-profit organization na Stop AAPI Hate, na nangangalap ng datos ukol sa mga pag-atake sa mga Asian Americans and Pacific Islanders kaugnay ng COVID-19 pandemic.

Nabatid na mula 6,603, umakyat sa 9,081 ang bilang ng mga insidenteng naiulat sa AAPI mula Abril hanggang Hunyo 2021.

Pinakamaraming nabibiktima ng Asian hate crimes ang mga Chinese (43.5%), sinundan ng mga Koreano (16.8%), Pilipino (9.1%), Japanese (8.6%) at Vietnamese (8.2%).

“Nakakalungkot po iyan at nakakabahala. Unang-una, halos lahat tayo ay mayroong kamag-anak sa Amerika at ayaw nating maging biktima ang ating mga kababayan,” ayon kay Sec. Roque.

“Pero siguro mas nakakabahala iyan kasi iyong mga kababayan natin, mga kamag-anak natin nagpunta sa Amerika kasi alam natin what drives America is the hopes and aspirations ng mga immigrants. So parang kapag pag-iinitan mo iyong mga immigrants ay pinag-iinitan mo iyong, kumbaga, kaluluwa ng Amerika mismo as the land of immigrants. So sana po ay matigil na ito,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.

Sa lahat ng mga insidente, 48.1% ay mga hateful statement ukol sa anti-China at anti-immigrant rhetoric habang sa uri ng diskriminasyon, 63.7% ang verbal harassment at 16.5% ang ‘shunning’ o social rejection. Kris Jose


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento