PAMAHALAANG BARANGAY GISING 24/7; TASK FORCE COVID TULOG MAGDAMAG

KAPAG inaatake ang isang bayan ng coronavirus disease-19 o COVID-19, dapat bang maging ordinaryong operasyon ng gobyerno ang paiiralin ng Task Force Covid?

‘Yun bang === magbubukas ng alas-8:00 ng umaga at magsasara dakong alas-5:00 ng hapon?

At iwanan ang mga cellphone sa opisina na roon pupwedeng tumawag ang mga nagkaka-emergency ukol sa COVID-19 kaya walang sumasagot?

Nagtatanong tayo, mga Bro, dahil ito mismo ang nadiskubreng kalagayan ng Remate sa Sta. Maria, Bulacan kahapon ng madaling araw lamang.

KALAGAYANG EMERGENCY

Dalawang empleyado ng gobyerno, kasama ang dalawa nilang anak, ang tinamaan ng COVID sa Brgy. Guyong, Sta. Maria.

Nagtatrabaho sa isang national high school ang ama at teacher naman sa isang elementary school ang ina.

Dahil emergency, tumakbo at humingi sila ng tulong sa Remate na kumilos naman kaagad mismo, dakong alas-4:00 ng madaling araw.

Tumawag ang Remate sa barangay na 24/7 ang operasyon at ibinigay ang contact number ng Task Force Covid ng munisipyo.

Ring lang nang ring at wala ni sinoman ang sumagot kaya napilitan nang pumunta sa barangay hall ang Remate at nagpagabay kung paano puntahan ang opisina ng Task Force Covid na nasa compound lang pala ng munisipyo.

ITINURO SA MDRRMO

Walang nadatnan ang Remate roon at ipinaliwanag ng mga nagrorondang traffic enforcer na alas-8:00 pa magbubukas ito.

Sinabihan ang ating team na pumunta na lang sa istasyon ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office at maayos namang umayuda ang mga tao nito.

Pinakontak nila sa team natin ang Bulacan Medical Center at iba pang ospital sa mga telephone number na nakapaskil roon.

Pero may kondisyon, kailangang local government unit ang tatawag sa ospital at handa silang umaksyon kaagad sa pamamagitan ng pagdadala ng ambulansya ng maysakit sa ospital.

BALIK SA BARANGAY

Dahil sarado ang Covid Task Force at ang munisipyo, bumalik ang Remate sa Barangay Guyong sa ilalim ni Kapitan Graciano Gravador.

Makaraang malaman ang kabiguan ng mga kasamahan nating maghanap ng ayuda, kumilos na ang mga barangay tanod sa paghahanap ng barangay health worker para umalalay gaya ni May Pascual.

Sabi ng mga naroroon sa barangay na mamamayan, nararanasan umano ng Remate ang turuan ng mga opisina ng gobyerno na nararanasan din nila at maswerte ang ating mga kasamahan na may mga aktibong taong barangay na naka-duty ng 24 oras mula Lunes hanggang linggo.

Si May na ang nagtiyagang makipag-coordinate sa Task Force Covid at MDRRMO, lalo na ukol sa paggamit ng ambulansya.

At dumating nga ang ambulansya makaraan ang alas-8:00 ng umaga.

INSTRUKSYON NG GENERAL HOSPITAL

Isang doktor na hiningan ng tulong ng ating grupo at nakatalaga sa Rogaciano Mercado Memorial Medical Center na katabi ng Task Force Covid office ang naglinaw nang husto na hindi i-eentertain ang pagtakbo ng pasyente sa ospital nang walang notisya mula sa LGU at nagmula rito ang pagbabalik-barangay ng grupo.

At sumang-ayon ang mga tanod at barangay health worker ni Kap. Garci kung tawagin.

May isang sumabad sa usapan na iniiwan ng mga taga-Task Force Covid ang mga cellphone na may numerong 09150420939 at 09236154798 sa kanilang opisina makaraan silang magsiuwian dakong alas-5:00 ng hapon.

Kaya naman, tumawag ka man nang tumawag, walang sumasagot hanggang alas-8:00 ng umaga.

DR. HILDA ONG AT QUIRINO HOSPITAL

Dahil sa kawalan ng pag-asa na magkaroon ng linaw ang sitwasyong emergency, mabilisang ginising sa pagtulog ng Remate ang kolumnista nitong si Dra. Hilda Ong.

Habang lumilipas ang mga minuto, kumokontak na pala si Dra. Hilda sa mga kakilala niyang doktor at nars na nakatalaga sa mga ospital na tumatanggap ng pasyente sa COVID.

At maswerteng nagbigay ng espasyo ang Quirino Memorial Medical Center sa Quezon City kahit na patakaran na prayoridad nito ang taga-Quezon City.

Saludo tayo kina Dr. Hilda Ong at Ma’am Melanie Lomotan ng Quirino hospital sa simbilis ng kidlat nilang pagtugon.

Sinabihan naman nina Dr. Hilda at Ma’am Melanie ang misis at mga anak nito na mag-self quarantine muna sa kanilang tahanan kung walang available na espasyo sa mga quarantine facility para sa kanila.

IBA PANG PASASALAMAT

Nagpupugay ang Ultimatum sa inyo riyan, Kap. Garci at iyong mga tanod at barangay health worker.

Gayundin sa mga tsuper at attendant ng ambulansya ng MDRRMO ng Sta. Maria, Bulacan sa tiyaga nila at pustang-buhay na trabaho.

Para sa Task Force Covid, baka naman po pwedeng magkaroon kayo kahit skeletal force man lang na panggabi lalo’t pami-pamilya na ang tinatamaan ng COVID sa inyo para sa emergency action.


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento