Duque sa pagpapasuspinde: May proseso ‘yan

MANILA, Philippines – Matapos ang panawagan ni Senator Grace Poe ng suspensyon ni Health Secretary Francisco Duque III dahil sa naging kapabayaan sa paggamit ng pondo sa coronavirus disease (COVID-19), sinabi ng kalihim na may “due process” na dapat sundin.

“‘Di ko alam kung saan siya galing doon sa pagka sinabi niya ‘yun, eh dahil kung susupindehin ka, may proseso ‘yan. Meron imbestigasyon, titingnan kung may prima facie, kung may basis, ‘di ba? Tapos kung merong complaint,” giit ni Duque sa isang panayam ng GMA News.

“May proseso, may due process. Hindi basta-basta nagsusupinde ng tao. Nag-chairman tayo ng Civil Service Commission, so alam din natin ‘yung proseso na ‘yan, so dapat may process,” saad pa ng opisyal.

Lahad pa ng DOH chief na makailang beses na itong nagbalak magbitiw sa tungkulin.

“Alam mo, ako wala namang problema ‘yung pagre-resign. Alam naman ni President Duterte ilang beses na ko nag-re-resign, ‘yun nga lang pinapakiusapan ako na wag akong bibitiw,” aniya.

Iginiit din ni Duque na walang korapsyon sa DOH tulad ng sinabi ng COA.

Paliwanag nito na humihingi lamang ang COA ng mga dokumento. RNT/ELM


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento