‘DI natin maaaring hayaan na talunin lang tayo ng buryong o kalungkutan kapag tayo ay napasailalim sa ‘lockdown’, maraming magagandang bagay tayong pwedeng paglaanan sa ating pananatili sa ating mga tahanan.
Ang mga nasa ospital na lamang ang inyong isipin, ‘di ba, sila ang mas may malaking pagnanasa na makalabas at makauwi na lang sa kani-kanilang mga tahanan.
Masarap din kaya ang nasa bahay lalo na kapag-kapiling ang ating mga mahal sa buhay. Isang paraan ito ng biyaya ng Maykapal.
‘Di nga ba napakasarap na manatili sa bahay, may pera man o wala, may trabaho rin o wala. Kasi nga ay napaliligiran ka naman ng mga mahal mo sa buhay. Magagawa nating pinakamasayang lugar ang ating mga bahay.
Lugar na may pagmamahalaln at walang awayan at may akapan, kulitan, tawanan na walang ‘social distance.’
Daming pwedeng pagpilian, gaya ng sama-samang pakikinig sa ‘music’, videoke party, kumanta at sumayaw. Maaari rin naman gawing dalanginan ang atin ding mga tahanan.
Sama-samang manalanganin ang buong pamilya, pasalamatan at papurihan ang Maykapal na lahat ng miyembro ng pamilya ay ligtas pa sa pandemyang dala ng Covid-19 na ngayon ay may Delta variant pa. ‘Di ba nga “the family that praise together, stays together?’
O kaya naman ay gawing mala-tindahan ang ang ating bahay. Linisin ito, ayusin ang lahat ng kagamitan, lagyan ng mga o ‘label’ ang mga ito.
Baguhin ang mga dekorasyon, at magimbento ng panibagong ayos ng loob ng tahanan.
Ibenta o ipamigay o itulong ang mga bagay na ‘di na kailangan.
Pwede rin gawing paaralan ang ating bahay. Paano kamo? Magbasa, magsulat ng mga tula o artikulo, magpinta o magdrawing at magturuan.
Hindi ba magandang ideya ‘yan na mag-aalis sa atin ng mga kaburyungan.
Kung gusto mo rin ay maaari rin gawin restaurant ang ating tahanan. Sama-samang maghanda ng iluluto, gumawa ng mga bagong putahe at sama-samang kumain.
Pwede ring sama-samang magtanim sa bakuran ng mga halamang gulay na maaaring isangkap sa mga lulutuin.
Pwede rin maging gym ang ating tirahan. Sama-samang mag-ehersisyo nang lalong lumakas ang ating mga pangangatawan sa sama-samang pagwowork-out.
Maraming paraan, imumulat lang natin ang ating mga mata at isipan para mawala ang kaburyungan sa sitwasyon nating kinalalagyan at nararanasan.
Maiingatan na natin ang ating mga sarili at iba ang miyembro ng tahanan, nagagawa pa at napananatili natin na maging tirahan ng pagmamahalan ang ating mga bahay.
Samantalahin natin ang pagkakataong ito ng lockdown. Sa iba o karamihan na sa mga pamilya, bihira mangyari ang ganitong pagkakataon. Pasalamatan natin ang Maykapal at pinagsama-sama tayong muli ng ating mga mahal sa buhay.
Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!
Mag-post ng isang Komento
0 Mga Komento