Degamo slay ‘mastermind’ ex-bodyguard ni Teves

MANILA, Philippines- Kinumpirma ni suspended Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr. nitong Huwebes na si Marvin Miranda, itinuturong isa sa masterminds sa likod ng pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo, ay dati niyang bodyguard.

Subalit, binigyang-diin ni Teves na matagal na mula noong huli niyang makausap si Miranda. 

“Sa totoo lang, dati kong bodyguard ‘yan. Pero matagal na kaming hindi nag— matagal nang umalis sa akin ‘yan eh,” pahayag ni Teves sa isang panayam.

Nitong Marso, isiniwalat ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na naaresto si Miranda ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation matapos tumakas sa Negros Oriental.

Inihayag ng Justice Secretary na lumalabas na si Teves ang mastermind sa likod ng pagpatay, na inihalintulad siya sa “executive producer” habang si Miranda umano ang wari’y “director or casting director.”

Nauna nang sinabi ni Remulla na tinutukoy niya si Miranda nang ihayag niyang isa sa mga suspek sa mga pagpatay ang nakipag- video call sa mastermind.

“Kaya nga kanina tinanong ako, nag usap daw kami, may video daw, sabi ko, ha? Kung may video sila edi dapat nilabas nila, diba? Again, ang dali mag turo,” sabi ni Teves.

Mariing itinanggi ni Teves ang pagkakasangkot sa pagpatay kay Degamo. 

Samantala, sinabi niya na huli niyang nakausap ang kanyang kapatid na si dating Negros Oriental Governor Pryde Henry Teves, ilang linggo o ilang araw na ang nakalilipas.

Pinatay si Degamo at walo pa habang sugatan ang iba pa matapos ang pag-atake sa bahay ng gobernador sa Negros Oriental noong March 4 habang namamahagi ng tulong sa constituents. RNT/SA



Degamo slay ‘mastermind’ ex-bodyguard ni Teves
Source: Filipino Pinoys

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento