US forces limitahan, haba ng pananatili sa EDCA itakda – Imee

MANILA, Philippines – Inihirit ng isang mambabata sa Senado ang paglilimita sa implementasyon ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) kabilang ang bilang ng US troops sa bansa at haba ng pananatili nito.

Sa pahayag, sinabi ni Sen. Imee Marcos, chairman ng Senate Committee on Foreign Relations, na kung magkakaroon ng libu-libong Amerikano na nagsasagawa ng araw-araw na pagsasanay, tila nakatira na sila dito sa ating bansa.

“Ang balita, kinakabahan kami sa Ilocandia, aabot daw ng 17,000 troops ang Amerikano at araw-araw daw gagawin…Sa palagay ko parang di na exercises ‘yan. Parang maninirahan na sila dito, ganun ba ‘yun?” ayon kay Imee.

“Siguro dapat mag limitasyon sa numero, may limitasyon din kumbaga sa visa. ‘Yung three-month visa, from 90-day visa para maliwanag na ‘di sila nakapirmi dito sa atin at Pilipino pa rin ang mga sundalo na naninirahan sa iba’t ibang kampo,” giit niya.

Nilagdaan ang EDCA noong 014 na pinapayagan ang US troops na makapasok sa lahat ng pasilidad na militar ng bansa at payagan silang makapagtayo ng pasilidad, ilagay ang kagamitan, eroplano at barko, pero ipinagbabawal na maging permanente ito.

Nakatakdang magtayo ng EDCA site sa Balabac Island sa Palawan; Naval Base Camilo Osias sa Sta Ana, Cagayan; Lal-lo Airport sa Lal-lo, Cagayan; at Camp Melchor Dela Cruz sa Gamu, Isabela, na parehong malapit sa Taiwan at Benham Rise.

Sa kasalukuyan, mayroong EDCA sites sa Antonio Bautista Air Base in Palawan, Basa Air Base sa Pampanga, Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, Mactan-Benito Ebuen Air Base sa Cebu, at Lumbia Air Base sa Cagayan de Oro City.

“While we want a very strong American military presence in Asia and the Philippines, we should also safeguard our citizenry by making certain that the EDCA camps will never [be] used for staging areas of any attack against Taiwan or any other country,” ani Marcos.

Sinabi ni Marcos na hindi nakatanggap ang kanyang komite ng anumang argumento o oposisyon sa tratado pero ipinaliwanag niya ang “safeguards” na dapat ilagay upang maiwasan na madamay ang bansa sa giyera na walang kaugyanan sa bansa.

“We have no argument or opposition on file. So kinakailangan maliwanag, nakatakda sana sa EDCA lahat ng safeguards upang ang Pilipinas ay hindi naman madamay sa giyera na wala tayong kinalaman,” aniya.

“Hindi tayo handa…We have no bomb shelters, or underground camps, we have no anti-missile forces and no anti-aircraft. In short, wala tayong gamit o protection,” giit pa ng mambabatas. Ernie Reyes



US forces limitahan, haba ng pananatili sa EDCA itakda – Imee
Source: Filipino Pinoys

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento