2 estudyante nalunod sa church outing

BALLESTEROS, CAGAYAN – Patay na nang matagpuan ang dalawang college student na nalunod sa karagatang sakop ng Cabuluan West, Ballesteros, Cagayan.

Ayon kay PMaj. Marlou Del Castillo, hepe ng Ballesteros PNP, nakita na ang bangkay nina Ryan Mendoza, 21 anyos, 2nd year college student at residente ng Brgy. Cabuluan sa baybayin ng Brgy. Caritan West dito sa nasabing bayan.

Naunang natagpuan ang katawan ng Rosie Ugalino, 23 anyos, graduating college student sa kursong civil engineering at residente ng Brgy. Palloc dito rin sa nabanggit na bayan na nakita malapit sa lugar kung saan ito nalunod noong hapon ng Sabado, Marso 25.

Ang mga biktima ay kalahok sa isang aktibidad ng kanilang relihiyon na ginanap sa dalampasigan ng Ballesteros.

Kasama ang ilan pang miyembro ng kanilang simbahan na naliligo nang biglang tangayin ng mataas na alon ang dalawang biktima na sanhi ng kanilang pagkalunod.

Bago pa man ang insidente ay nagkaroon ng pagpupulong kaugnay sa pagtatalaga ng mga barangay tanod sa lahat ng baybayin na sakop ng Ballesteros bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga turista ngayong summer season at Holy Week.

Kaugnay nito, umapela si PMaj. Del Castillo sa publiko na maging mapagmatyag at mag-ingat sa paliligo sa karagatan lalo ngayon panahon ng summer o Semana Santa. Rey Velasco



2 estudyante nalunod sa church outing
Source: Filipino Pinoys

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento