Prangkisa ng traditional jeepneys pinalawig ng LTFRB, transport strike pinababawi na rin

MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Miyerkules, Marso 1 ang pagpapalawig sa deadline ng franchise consolidation para sa mga public utility jeepney (PUJ).

Mula sa dating deadline na Hunyo 30, ginawa na itong Disyembre 31 ayon kay LTFRB chairperson Teofilo Guadiz III.

Dahil dito, awtomatikong pinalawig din ang prangkisa ng lahat ng traditional jeepney hanggang sa katapusan ng taon.

“Ito ay pagtugon sa kahilingan ng transport sector,” ani Guadiz.

Kasunod nito, nanawagan na rin ang National Public Transport Coalition (NPTC) sa kanilang mga kasamahan na iurong na ang planong transport strike na gagawin sana sa darating na Lunes, Marso 6 at magtatagal nang hanggang Marso 12.

Ani Ariel Lim, National Chairperson ng NPTC, ito ay bilang paggalang na rin sa pakiusap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na huwag nang ituloy ang planong transport strike.

Sa kabila nito, sinabi ng NPTC na ipagpapatuloy nila ang laban para itigil ang consolidation ng mga prangkisa hangga’t walang matibay na batas para rito.

“Ipagpapatuloy namin ang pakikipaglaban na batasin muna ng Senado at Kongreso ang PUVMP Modernization Program at itigil ang consolidation ng mga prangkisa ng PUV hangga’t walang matibay na batas na magbibigay proteksyon sa hanay ng road public transport sector, pagpapababa sa presyo ng bagong modernized unit at payagan ang mga Euro-standard na makina na makapasok sa Pilipinas pamalit sa mga lumang makina ng mga jeepn a ginagamit ngayon,” ani Lim.

Dagdag pa dito, ipinanawagan din ng NPTC ang pagbabalik sa mga dating ruta ng lahat ng PUV na pinutol-putol sa panahon ng pandemya. RNT/JGC



Prangkisa ng traditional jeepneys pinalawig ng LTFRB, transport strike pinababawi na rin
Source: Filipino Pinoys

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento