Vacation leave sa mga tauhan ng BI, bawal muna sa Pasko

MANILA, Philippines – Upang mas mapaglingkuran nang maayos ang publiko sa panahon ng Kapaskuhan, naglabas ng direktiba ang pamunuan ng Bureau of Immigration (BI) sa kanilang mga tauhan na bawal silang mag-“leave” o magbakasyon partikular na ang mga nakatalaga sa iba’t-ibang international ports simula nitong Nobyembre 15, 2022.

Sa isang pahayag, sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na ang pagbabawal sa vacation leave mula Nobyembre 15 hanggang Enero 15 ay ipinatupad upang matiyak ang tuluy-tuloy na paghahatid ng mga serbisyo ng BI sa mga internasyonal na manlalakbay na inaasahang papasok at lalabas ng bansa sa panahon at pagkatapos ng Pasko.

Inihayag ni Tansingco na ang dami ng pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ay nagsimula nang tumaas hindi lamang dahil sa papalapit na kapaskuhan kundi dahil sa unti-unting pagluwag ng mga paghihigpit na ipinataw sa mga dayuhan at Pilipinong manlalakbay sa panahon ng pandemya.

Aniya, ang nasabing direktiba ay naglalayon na maiwasan ang mahabang pila sa mga paliparan tuwing panahon ng Yuletide kung saan palaging may malaking pagtaas ng bilang ng mga pasaherong pumapasok at lumalabas sa ating bansa.

“This is always the season when the services of our immigration officers are most needed in the airports. This is a sacrifice we have to make to serve the traveling public,” ani Tansingco.

Ayon kay Atty. Carlos Capulong, BI acting ports operations chief, ang leave ban ay ipatutupad sa lahat ng empleyado ng BI na nakatalaga hindi lamang sa NAIA kundi maging sa iba pang international port tulad ng sa Mactan, Clark, Davao, at Kalibo.

Sinabi ni Capulong na maliban sa mga pang-medikal at emergency na dahilan, walang aplikasyon para sa leave ng sinumang BI port personnel ang aabangan o maaaprubahan habang may bisa ang dalawang buwang leave ban.

“Aside from BI officers assigned to the airport’s immigration counters, a special team of BI officers is always on standby to augment and assist in processing arriving and departing passengers,” ani Capulong. JAY Reyes



Vacation leave sa mga tauhan ng BI, bawal muna sa Pasko
Source: Filipino Pinoys

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento