Kelot dinakma sa ‘sanla scam’ modus sa QC

MANILA, Philippines- Pinag-iingat ni Quezon City Police District (QCPD) Director, PBGEN Nicolas Torre III ang publiko laban sa modus na tinaguriang “sanla-scam” matapos na kanilang madakip ang isang lalaki sa entrapment operation kahapon sa lungsod ng Quezon.

Kinilala ni QCPD Holy Spirit Police Station (PS 14) commander PLTCOL Alex DJ Alberto, ang naaresto na si Reymart Santos Mirambil, 30-anyos, residente ng Karingal St., Veterans Village, Brgy. Pasong Tamo, Q.C.

Sa imbestigasyon na bago ang pag-aresto, nagkasundo ang testigong sina Mary Sheryl Grace Andaya Realce, 35, at ang kanyang tiyahin na si Maria Rita Andaya, na parentahan nila ang bahay at ari-arian ng huli.

Nabatid na si Realce ang authorized caretaker ng bahay at ari-arian ni Andaya na naninirahan na sa ibang bansa.

Si Mirambil umano ang umupa sa ari-arian sa halagang P20,000 kada buwan.

Gayunman, natuklasan nilang nagpanggap si Mirambil bilang siyang may-ari ng ari-arian at isinanla ito sa biktimang  si Redison Sison Rigor, 34, sa halagang P1,000,000, nang lingid sa kaalaman ng tunay na may-ari.

Nagbigay umano ang biktimang si Rigor ng P850,000 kay Mirambil noong Nobyembre 17, 2022 bilang paunang bayad habang ang kakulangan umano ay ibibigay sa susunod na tatlong araw.

Gayunman, bago nakumpleto ang bayaran ay nakontak umano ni Rigor si Realce at dito niya natuklasang na-scam siya ni Mirambil, kaya’t agad silang nagreport sa mga awtoridad na agad  nagkasa ng entrapment.

Nagkunwari ang biktima na ibibigay na ang kakulang niyang bayad na nagresulta sa pagkaaresto ng suspek dakong alas-9:50 ng gabi noong Nobyembre 20, 2022 sa entrapment operation sa Army Road St., Brgy. Holy Spirit, sa lungsod.

Nakumpiska mula sa suspek ang P60,000 marked money na ginamit sa operasyon.

Ang suspek ay nakapiit na at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Paragraph 1 ng Article 316 ng Revised Penal Code o Other Forms of Swindling sa Quezon City Prosecutor’s Office. Jan Sinocruz



Kelot dinakma sa ‘sanla scam’ modus sa QC
Source: Filipino Pinoys

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento