SANA ALL SA FACE-TO-FACE CLASSES

HIGIT na mas malalim at mas epektibo ang face-to-face classes kaysa puro na online classes at iba pang anyo ng distance learning kaya sinusuportahan natin ang pagsisikap ng Department of Education at Commission on Higher Education na isulong ito.

Ngayong humuhupa na ang coronavirus disease-19, kasama na ang Metro Manila sa programa.

Ngunit dapat lang na magbantay ang lahat laban sa COVID-19 upang maprotektahan ang mga mag-aaral, guro at empleyado ng mga eskwela, pamilya ng mag-aaral at kawani ng mga ahensya ng pamahalaan na umasiste sa kanila gaya ng mga taga-Department of Health, pulis at pampublikong transportasyon.

GURONG EKSPERTO AT PANGARAP SA BAYAN

Ang mga titser, lisensyadong tagaturo ng mga linyang kanilang minaster na aralin kaya maituturing silang mga ekspertong guro sa edukasyon.

Konektado ang kanilang pinag-aralan sa programa ng pamahalaan para sa pagtatayo ng lipunang mapagmahal sa bayan at kapwa at paghubog ng buong bansa tungo sa kaunlaran at kapayapaan.

Kaya naman, kung pagsamahin ang mga eksperto sa pagtuturo at ang mataas na pangarap para sa buong bayan, tiyak na mahuhubog ang mga kabataan sa tamang edukasyon at maging tunay ang bansag sa kanila na pag-asa ng kinabukasan.

PAGBUBUKAS AT PAGGANA NG EDUKASYON

Mula Kindergarten hanggang Grade 3 at ang mga senior high school muna ang isasalang sa face-to-face classes.

Ang mga Kinder hanggang Grade 3, bubuksan ng mga guro ang kanilang mga isipan sa kaalaman at kakayahan na magsulat, magbasa at magkwenta.

Dadalhin nila ang mga kakayahang ito sa kanilang pag-akyat sa mas matataas na antas ng pag-aaral upang lalong paunlarin o paghusayin ang mga ito.

Ang mga senior high school ang pasimula ng pagsasabuhay ng mga pinag-aralan lalo’t karaniwang tumuntong na ang mga ito sa edad 18 na pwede nang ligal na pumasok sa trabaho, magtayo ng negosyo, mag-imbento, mag-abroad at iba pa.

Maituturing na sila kasing higit na nakaiintindi at makapagbibigay-buhay ng mas malalim at mas malawak na edukasyon kumpara sa mga nasa mabababang antas.

Silang mga graduate sa senior high school ang makapapantay sa pamantayang pandaigdigan para sa lahat ng oportunidad sa paghahanapbuhay, pamumuhunan, paghawak ng mga maselang responsibilidad at iba pa at magiging partner sila ng pamahalaan at mga institusyon para sa pambansang pagbabago, pag-unlad at mapayapang bansa at daigdig.

HUWAG MANGAMBA

Bibigyan natin ng diin ang mga nangangambang magulang, guardian at iba pa na nag-aalaga sa mga bata sa programang ito.

May mga hindi magpapadala ng kanilang mga anak kahit kwalipikado ang mga ito na sumali habang may magpapadala naman ngunit 24 oras na natatakot o napapraning sa kaiisip na baka may mapahamak.

Dapat malinaw sa lahat ng mga magulang at iba pa na guwardiyado sa kalusugan at seguridad ang lahat.

May mga health expert na nakabantay sa mga iskul, bakunado ang mga guro at empleyado, may nakahandang mga emergency na aksyon kung may mangyari, isusulong din ng bakuna sa mga magulang at iba pa.

Kaya dapat pasalihin na ang mga batang mapipili para sa mga face-to-face classes.



SANA ALL SA FACE-TO-FACE CLASSES
Source: Filipino Pinoys

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento