KAPASKUHAN AT COVID-19
POLITICAL CARAVANS, KAPASKUHAN AT COVID-19

DAAN-DAAN o libo-libo ang mga sumasali sa mga political caravan na idinaraos ng mga politiko kaugnay ng halalang 2022.
Ginagawa ang mga political caravan nang sabay-sabay karaniwan.
‘Yung bang === para sa mga pambansang politiko mula Pangulo hanggang sa mga senador, sabay-sabay ang mga munisipyo, lungsod at lalawigan sa buong bansa na nagka-caravan.
Pero sumasama na rin ang mga lokal na kandidato mula sa mga konsehal, bise mayor, bokal, bise gobernador, gobernador at kongresman na kasapi ng mga nasyunal na kandidato at partido.
Kung minsan din, nagsasarili ang mga lokal na kandidato bilang indibiduwal o partido.
Kaugnay nito, mga Bro, posibleng magiging superspreader ng COVID-19 ang mga caravan na ito.
KARANASAN NG INDIA
Bago nanalasa ang Delta variant sa India nitong Abril, Mayo at Hunyo 2021 na umaabot sa 4,000-5.000 ang patay araw-araw, mainit na pamumulitika ang naganap simula pa sa buwang ng Enero.
Nagkaroon din ng mga caravan ng milyon-milyong katao para sa kampanyahan.
Tulad ng nagaganap ngayon na medyo mahina ang COVID-19 sa mahal kong Pinas na hindi iniintindi kundi sinasamantala ng mga politiko para mangampanya, ganito rin ang naganap sa India.
Isa pa ngang palaisipan sa India kung bakit humupa ang COVID-19 mula Enero hanggang sa manalasa ang Delta variant at sinamantala ito ng Indian politicians sa kanilang pangangampanya.
Pero dahil sa pagbalewala na sa pagsusuot ng face mask, social distancing at iba pang health protocal, sumampa si COVID sa mga lansangan, kabahayan at pagtitipon ng mga Indian, kasama ang mga caravan saka nanalasa.
Hindi kaya magaganap din ito sa atin?
KAPASKUHAN AT PIYESTA
Karanasan din sa India ang pagkakaroon ng mga piyestang milyon-milyon ang dumadalo, kasama na ang paliligo sa mga malalaking ilog gaya ng Ganges River.
Dito rin binalewala ang mga health protocol.
Hindi akalain ng bansang India, na kasama ng mga gawaing pulitika, ang mga piyestang dinarayo at dinadaluhan ng milyon-mllyong katao ang sinakyan ng COVID-19 at Delta variant para manalasa.
Ngayon naman, mga Bro, milyon-milyong tao na ang kumikilos bilang preparasyon sa Kapaskuhan na pinakamalaking piyesta sa ating bansa.
Biyahe rito, pasyal doon, punta rito, punta roon at kasama pa ang mga beybi na kinakalong o hinahatak.
Sa pagsasama ng Kapaskuhan at kampanyang pampulitika, hindi kaya nag-aabang lang sina COVID-19, Delta variant at ngayo’y Omicron variant para manalasa naman sa Pilipinas.
Sana naman hindi, pero paano kung mangyari ito?
MAGPABAKUNA LAHAT
Sa huling ulat ni vaccine czar Carlito Galvez Jr., may 140 milyong dose nang bakuna ang dumating sa Pinas at bibili pa ng 20 milyon para maging tuloy-tuloy ang pagbabakuna hanggang 2022.
Sa rami ng bakunang ito, kaya nating maabot ang herd o communit immunity na 54 milyong pataas mula sa 80 milyong dapat na mabakunahan.
Kaya sana, magpabakuna kung saan may nagbabakuna at maiwasan din natin ang muling pananalasa ng COVID-19, Delta variant at Omicron variant sa kagagawan ng mga politiko at paglahok natin dito, maging sa Kapaskuhan.
POLITICAL CARAVANS, KAPASKUHAN AT COVID-19
Source: Filipino Pinoys
KAPASKUHAN AT COVID-19
Philippines news
Pinoy Trending
POLITICAL CARAVANS
politics
showbiz
sports
technology
trending Articles
viral post
Mag-post ng isang Komento
0 Mga Komento