12 TAON MAN, ‘DI NAMIN KAYO TATANTANAN!

NOONG nagdaang November 23, 2021 ginunita ng mga mamamahayag ang ika-12 taon ng karumal-dumal na pagyurak sa media at pagpatay sa napakalaking bilang ng mga miyembro nito, dahil lamang sa nahirating paghahari-harian sa Maguindanao.

Tinaguriang Maguindanao o Ampatuan Massacre, kung saan 58 katao, kabilang na ang 32 media practitioners, ang pinaslang sa araw na iyon, ng nasa 100 armadong tauhan ng angkan ng mga Ampatuan na namamahala pa sa probinsiyang Maguindanao.

Pinatay ang mga biktima dahil sa paghahain ng kandidatura ng kalaban ng mga Ampatuan na si Esmael “Toto” Mangudadatu bilang gobernador. Hindi siya sumama sa lakad na iyon, ngunit hinarang at pinagbabaril pa rin ng mga tauhan ng mga Ampatuan ang convoy ng asawa ni Mangudadatu sa Brgy. Salman, Ampatuan, Maguindanao.

Pagkatapos pagpapatayin, ibinaon pa sa lupa agad-agad ang mga bangkay ng mga biktima, kasama ang kani-kanilang mga sasakyan. Dahil dito, nasali mismo ang Pilipinas sa listahan ng mga pinaka-delikadong lugar para sa mga mamammahayag sa buong mundo.

Mantakin niyo ang idinulot na kahihiyan niyan sa ating bayan.

Mainam at alam ito ni Pangulong Rodrigo Duterte na siyang bumuo sa Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) sa pamamagitan ng kanyang kauna-unahang Administrative Order nang siya ay maging Pangulo noong 2016.

Magmula noon, tinutukan na ng PTFoMS ang kaso. Pinalad naman tayo, dahil noong December 19, 2019, naging napakagandang regalong pamasko para sa mga naulila ng masaker ang hatol na guilty at may parusang reclusion perpetua nang walang parole ni Quezon City Regional Trial Court Judge Jocelyn Solis-Reyes.

Walong miyembro ng pamilyang Ampatuan at 20 iba pa ang ginawaran ng parusa para sa 57 bilang ng murder cases at 15 pa ang nahatulan naman ng 6-10 taong pagkakakulong bilang mga accessories sa krimen.

Mayroon pang mga pinaghahanap. At bilang namumuno sa PTFoMS, nangangako ang aming buong grupo na ‘di namin kayo tatantanan hanggang malambat kayo ng hustisya.



12 TAON MAN, ‘DI NAMIN KAYO TATANTANAN!
Source: Filipino Pinoys

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento