Global syndicate posibleng nasa likod ng SMS spam phishing scheme – NPC

MANILA, Philippines – Maaaring isang global organized syndicate ang nasa likod ng kamakailan ay bugso ng napakaraming mga SMS-based phishing scam.

Ito ay ayon kay Commissioner Raymund Liboro ng National Privacy Commission ngayong araw, Nobyembre 23 sa public briefing ng Malakanyang.

Sa inisyal na imbestigasyon, libo-libong mga Filipino ang nakakatanggap ng mga SMS spam mula sa iba’t ibang numero na maaaring iligal umanong nakuha.

Sa pagkakaroon ng malawak na database, malabong sa mga contact tracing form umano nakuha ang mga numerong pinapadalhan ng naturang text messages.

“Ito ay isang international global na sindikato ang gumagawa nito at gumagamit ng mga numero na nakuha nila sa ibang paraan, malalaking database po na ginagamit nila dito,” ani Liboro.

“Maaring nanggaling sa mga dating na-breach o na-hack. Ginagalugad na rin natin ang dark web para malaman kung merong nag-trade ng numbers ng mga Pilipino dyan,” dagdag pa niya.

Siniguro naman ng NPC na ligtas ang mga personal na impormasyon ng mga taong sumusulat sa mga contact tracing forms.

Nagpaalala naman si Liboro na huwag maniwala sa mga text messages na nagbibigay ng ‘too good to be true’ na alok lalo na sa mga trabaho at iba pang oportunidad dahil malaki ang tsansa na ang mga ito ay scam. RNT



Global syndicate posibleng nasa likod ng SMS spam phishing scheme – NPC
Source: Filipino Pinoys

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento