AKSAYADO SA ORAS SA SUBSTITUTION BILL

NAG-AAKSAYA lang ng oras ang mga senador na nagsusulong ng pag-amyenda ng Omnibus Election Code para ipagbawal ang substitution ng kandidato na aatras sa halalan.

Bunga ‘yan ng serye ng “sitcom” (situational comedy) na ipinakikita ng PDP-Laban Cusi faction na namimilit kay Mayor Inday Sara Duterte-Carpio na tumakbo sa pagka-Pangulo sa May 9, 2022 elections.

Lalong nabwisit ang mga kapwa senador nang tunguhin ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa si Inday Sara noong Lunes para “ipaalala ang nalalapit na November 15 deadline ng substitution.”

Ibig sabihi’y umaasa talaga si Bato na papalit sa kanya si Inday Sara bilang standard bearer ng PDP- Laban.

Mukhang hindi nabalitaan ni Bato na ang mayora ng Davao City na nakipagkita kay dating-senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa Cebu City.

Doon nagpahayag ng suporta kay BBM si Inday Sara  sampu ng kanyang Hugpong ng Pagbabago regional party.

At muli, nilinaw ni Inday Sara na desidido siyang kumpletuhin ang tatlong termino ng pagka-alkalde ng Davao City at magsilbing lider hanggang sa pagrekober ng siyudad mula sa krisis ng pandemya.

Iyan din dapat ang isaisip ng mga senador, ang tuluyang pagbangon at pagbawi ng ekonomiya mula sa kalamidad ng COVID-19.

Ngunit mukhang nangangatog ang mga kandidatong senador sa multo ni Inday Sara kaya itinutulak ang anti-substitution bill kahit ‘di naman ito kaagad masusunod. Buti kung lagdaan ni Manong Digong ‘yan.

At tulad ng sinabi ko, bakit sasanib si Inday Sara sa PDP-Laban para mag-sub kay Bato matapos niyang laitin ang naturang partido na pulos kapalpakan at mistulang sitcom ang ipinamamalas.

Itong presidential wannabees na sina Sen. Manny Pacquiao at Sen. Ping Lacson ay dapat magpetisyon na lang sa  Commission on Elections to disqualify  Bato bilang “nuisance candidate.”

Ilang ulit na niyang inaming nag-aantay lang siyang palitan ni Inday Sara kaya ibig sabihin “hindi seryoso” ang pahabol niyang kandidatura sa pagka-Presidente.

Tama si Inday Sara, pulos  kabulastugan ‘yang PDP-Laban.  Ang gulo rin ng mga komiko, payaso at maskot sa Senado!



AKSAYADO SA ORAS SA SUBSTITUTION BILL
Source: Filipino Pinoys

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento