Monthly allowance ng mga senior sa Maynila, tuloy pa rin – VM Lacuna

MANILA, Philippines – Pinawi ng kasalukuyang bise alkalde ng lungsod ng Maynila ang agam-agam ng mga senior citizen sa lungsod hinggil sa kumakalat na isyu na matitigil o mawawala ang kanilang buwanang “allowance” na nagmumula sa lokal na pamahalaan sakaling mapalitan nito si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso.

Ayon kay Manila Vice Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan, mahigpit umanong inihabilin ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na ipagpatuloy nito ang buwanang allowance ng mga senior citizen sa oras na maging Alkalde na ito ng nasabing lungsod.

“Hindi-hindi po mawawala ang monthly allowance ninyong mga senior. Itutuloy at itutuloy po natin ito, hangga’t nandito po ako,” ani Lacuna.

Matatandaan na ipinagkatiwala ni Domagoso kay Vice Mayor Lacuna ang pagiging punong ehekutibo sa lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila dahil kumpiyansa ito na kayang ipagpatuloy ng bise Alkalde ang kanyang mga nagawa partikular na ang mabilis na pagtugon sa panahon ng pandemya dulot ng COVID-19.

Ayon pa kay Domagoso, malaki ang naging ambag ni Lacuna, partikular na sa isyu ng pangkalusugan, kung saan mabilis ang responde ng pamahalaang lungsod tulad ng pagbili ng mga kailangang gamot na Remdesivir at Tocilizumab, malawakang pagbabakuna, pagbili ng mga kinakailangang makina, pagpapatayo ng mga pasilidad at pagsasa-ayos ng mga district hospital sa lungsod. JAY Reyes



Monthly allowance ng mga senior sa Maynila, tuloy pa rin – VM Lacuna
Source: Filipino Pinoys

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento