Income tax records ng Pharmally execs na may luxury cars, ilantad

MANILA, Philippines – Hiniling ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na isumite ng tatlong matataas na opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corp., ang kopya ng kanilang income tax records bago at pagkatapos bumili ng milyong halaga ng luxury car.

Sa interview, sinabi ni Drilon na kung wala silang kinita sa Pharmally noong 2019 paano naman biglang nagkaroon ng mahigit na P60 milyong halaga ng mga sasakyan.

“Hinihingi ko ang kanilang income tax return noong 2019 [to] 2020 para malaman natin kung meron ba silang sapat na kakayahan na bilhin itong mga sasakyan na naghahalaga ng—sa bilang ko mahigit P60 million,” Drilon sa interview nitong Lunes.

Sinabi ni Drilon na walang kinita ang Pharmally noong 2019 pero pagkatapos makopo ang P8.6 bilyong halaga ng kontrata sa gobyerno sa pagsusuplay ng medical supplies noong 2020, lumobo ang kita ng kompayan ng  P400 milyon.

Ayon kay Drilon sa ginanap na pagdinig ng Senate Blue Ribbon committee nitong Biyernes, tatlong matataas na opisyal ng Pharmally ang nakakuha ng kabuuang apat na luxury vehicles sa loob ng hindi lalampas ng isang taon matapos makopo ng kompanya ang P8.6   bilyong halaga ng kontrata sa gobyerno noong 2020.

Dahil dito, hiniling ni Drilon sa Commission on Audit na magsagawang ‘fraud audit sa lahat ng kontrata ng pamahalaan na naibigay sa Pharmally.

“Hinihingi ko sa COA na magkaroon po ng sinasabi nating fraud audit, dahil may nakikita tayong pandaraya na ginawa ng [DBM-PS] (Department of Budget and Management-Procurement Service) at kasi ang ginawa ng COA noong nakaraan ay regular annual [audit]. Di naman talaga sinuri nang husto,” ayon kay  Drilon.

Sinabi ni Drilon na sapat na ang lahat nang natuklasan ng Senate blue ribbon bilang justification upang magsagawang ‘fraud audit ang COA.

 Idiangdag pa ni Drilon na dapat  ipagpatuloy din ng Ombudsman ang  imbestigasyon habang isinasagawang Senado ang  sariling imbestigasyon nito sa naturang bagay.

Hinikayat din ni Drilon si Overall Deputy Ombudsman Warren Rex Liong, dating director ng DBM-PS na mag-inhibit sa imbestigasyon ng Ombudsman na isasagawa sa  kontratang nakuha ng Pharmally.

 Iniimbestigahan ng Senado ang Pharmally matapos makopo nito ang P8.7 bilyong halaga ng kontrata sa pagsusuplay ng overpriced na medical supply na pawang pinangunahan ni Michael Yang. Ernie Reyes



Income tax records ng Pharmally execs na may luxury cars, ilantad
Source: Filipino Pinoys

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento