P6M shabu sa CCTV, nabisto ng BOC

CLARK, Pampanga – Nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) Port of Clark ang nasa mahigit P6 milyon halaga ng shabu na itinago sa loob ng apat na CCTV camera na ipapadala sana sa bansang New Zealand.

Ayon sa BOC, nakatanggap sila ng impormasyon na may ie-export umano na mga padala patungong Auckland sa New Zealand na idineklara bilang “CCTV Camera at Video Recorder” na naglalaman umano ng mga iligal na droga.

Dahil dito, isinailalim sa physical examination ang mga nasabing padala kung saan nabuking ang anim na pakete na naglalaman ng hinihinalang iligal na droga na nakapaloob sa apat na CCTV camera.

Agad na isinailalim sa pagsusuri ang mga nadiskubreng kontrabando kung saan kinumpirma ito ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na Methamphetamine Hydrochloride o Shabu ang mga ito.

Nabatid na nasa 1 kilo ng shabu ang nasamsam ng BOC na tinatayang nasa halagang P6,126,800.

Inisyuhan ni Port of Clark District Collector Alexandra Lumontad ng Warrant of Seizure and Detention ang nasbaing padala dahil sa paglabag sa Section 118 (g), 119 (d) at 1113 par. f & l (3 & 4) ng R.A. 10863 o mas kilala na Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) na may kaugnayan sa R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Jay Reyes


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento