KAILAN MATUTULDUKAN ANG KARAHASAN SA MASBATE?
KAILAN MATUTULDUKAN ANG KARAHASAN SA MASBATE?

IBINULALAS ng mga asawa nina Jestoni at Joey Lalaguna ang sama ng loob sa mga responsable sa pagdukot at pamamaslang sa magkapatid kasama ang kanilang tiyuhing si Jose habang naglalako ang mga ito ng paninda sa Barangay Pina at Miabas, Palanas noong nakaraang linggo.
Pantawid-gutom ang pagbebenta sa mga liblib na lugar sa mahal kong lalawigan ang ginagawa ng pamilyang itong napagkamalan daw na mga asset ng militar kaya pinatay ng mga pinaniniwalaang rebeldeng New People’s Army.
Puno ng poot at galit sa dibdib ang kuwento ng kanilang mga kabiyak sa isinagawang presscon sa Masbate City noong Lunes kung saan halos mapaiyak ang mga dumalo kabilang sina Presidential Communications Operations Undersecretary Lorraine Badoy, Joint Task Force Bicolandia Commander MGEN. Henry Robinsons at iba pang opisyal ng militar at pulis.
Paano nga naman itataguyod ng asawa ng mga biktima ang naulilang maliliit na anak nitong umaasa sa kakarampot na kinikita sa paglalako ng mga panindang walang kalaban-labang pinatay dahil sa maling akala?
Hindi pa nga napapanagot sa batas ang mga salarin sa sikat na FEU Football player na si Keith Absalon at heto na naman ang panibagong mga biktima ng karahasang hindi maintindihan ng mga kababayan ko kung ilang pa ang mamamatay bago matapos ang giyerang ito.
Kawawa talaga ang mga sibilyang collateral damage ng walang katapusang bakbakan ng gobyerno at mga rebeldeng sa murang edad ng kanilang iniwanang kadalasan ay mga paslit ay mulat na sa walang patid na kaguluhan sa bansa.
Sabi nga ni Usec. Badoy, kailan mahihimasmasan ang ordinaryong mga cadre ng NPA na patuloy pa ring lumalaban sa kabundukan samantalang nakatira sa naglalakihan at malamig na pamamahay ang kanilang mga pinuno sa kalungsuran?
Wala naman sanang tayong pakialam sa giyerang ‘yan basta walang nadadamay na sibilyang naiipit sa dalawang nag-uumpugang batong resulta ng walang puknat na digmaan.
Ilan pang katulad ni Keith na naglaho ang pangarap ang magbubuwis ng buhay bago matuldukan ang karahasan sa lalawigan?
Para sa komento mag-text sa 09999388537/email normanlaurio17@gmail.com
KAILAN MATUTULDUKAN ANG KARAHASAN SA MASBATE?
Source: Filipino Pinoys
KAILAN MATUTULDUKAN ANG KARAHASAN SA MASBATE?
Philippines news
Pinoy Trending
politics
showbiz
sports
technology
trending Articles
viral post
Mag-post ng isang Komento
0 Mga Komento