OPEN POLICY VS COVID-19, DATI NANG IPINATUTUPAD SA MAYNILA

SAAN kaya hinuhugot ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang kanyang mga ideya na pabor lahat sa mamamayan na sinusundan na rin ibang ng mga lokal na pamahalaan?

Pinakamatinding tumatak nga sa isipan ng mamamayang Pilipino ang klasikong pagsasagawa niya ng road clearing operation na sa mahabang panahon ay hindi naisagawa sa Maynila, partikular sa makasaysayang area ng Divisoria na kalaunan ay ipinatupad na sa buong kapuluan, batay na rin sa naging kautusan ni Pangulong Duterte sa Department of Interior and Local Government (DILG).

Noong isang araw naman, ipinahayag ni Metropolitan Manila Development Authority Chairman Benhur Abalos na nagkasundo na ang mga alkalde sa Kamaynilaan na kapag nabakunahan na ang mayorya ng kanilang mamamayan sa bawa’t lungsod, magpapatupad na ang mga alkalde ng “open policy” sa sinomang nagnanais magpabakuna kahit hindi residente sa isang siyudad.

Ibinida pa nga ni Abalos na sa kanilang lungsod sa Mandaluyong, malapit na silang tumanggap ng “outsider” dahil maliit na porsiyento na lang ang bilang ng kanilang mamamayan ang hindi nababakunahan.

Ayon sa kanya, tanging ang munisipalidad pa lang ng Pateros ang nagpapahintulot sa mga outsider na mabakunahan sa kanilang lugar dahil halos lahat daw ng residente doon ay fully vaccinated na at susunod na raw dito ang San Juan City.

Pero teka, nalimutan yata ng butihing MMDA Chairman na hindi pa man napagkakasunduan ng Metro Manila Council (MMC) na bakunahan na ang mga hindi residente o outsider, isinasagawa na ito ni Mayor Isko Moreno Domagoso sa lungsod ng Maynila sa ilalim ng ipinatutupad ng “open policy.”

Tulad ng sinabi ni Chairman Abalos na kailangang magpa-rehistro sa online para sa schedule ng kanilang bakuna ang mga hindi residente, ganito na ang ipinatutupad sa lungsod ng Maynila.

Nauna rito’y ipinatupad na rin noon pa man sa Maynila ang libreng RT-PCR swab test kahit sa mga hindi residente ng lungsod dahil sa paniwala ni Yorme, walang pinipiling dapuan ang COVID-19 kaya kahit dayuhan ay puwedeng makapanghawa ng mga mamamayan sa kanilang lungsod.

Maging ang anim na district hospital at Manila Field Hospital sa Maynila ay tumatanggap din ng mga pasyenteng nais magpagamot sa sakit na COVID-19 kahit hindi taga-Maynila.

Laging sinasabihan ni Yorme ang mga health official ng lungsod na huwag pairalin ang diskriminasyon at sabi pa nga niya “We must approach this pandemic universally and inclusively,”

Saad pa niya, wala raw boarder ang virus at ang tanging solusyon ay vaccination.

Matatandaan na bago pa man umakyat ang bilang ng mga tinatamaan ng mapanganib na virus sa Maynila, kaagad na ipinaayos ni Yorme Domagoso ang mga district hospital sa lungsod at iniutos ang pagpapalawak ng mahahalagang pasilidad tulad ng Intensive Care Unit (ICU) na kinakailangan para sa mga may severe cases o malalang kondisyon dulot ng sakit na COVID-19 at pagbili ng mga modern at mahahalagang apparatus at makinaryang kailangan ng mga pasyente.

Katunayan nga, nang mag-positibo sina Mayor Isko Moreno Domagoso at Vice Mayor Honey Lacuna sa COVID-19, hindi sila lumayo sa lungsod para magpagamot sa mga bantog at mamahaling ospital, tulad ng ginagawa ng ilang opisyal ng pamahalaan, kundi sa district hospital ng lungsod dahil kumpiyansa sila sa kakayahan ng mga doktor at sa maayos na pasilidad.

Ginamit din ni Yorme ang kanyang kapangyarihan bilang ama ng lungsod upang pansamantala munang gawing quarantine facilities ang mga gusaling pag-aari ng Maynila at maging pampublikong paaralan, bukod pa sa ipinatayong Field Hospital sa Luneta Park na pinagdadalhan ng mga dumaranas ng mild at moderate na kaso ng COVID-19.

‘Yan ay ilan lang sa mga nagawa ng alkalde sa ilalim ng programang “Bilis Kilos” ng lokal na pamahalaan na hindi lang nakatutok sa pagtugon sa pangangailangang medikal kundi sa tuloy-tuloy na serbisyo tulad ng pagbabakuna, paghahatid ng mga ayuda at mga monthly allowance sa mga senior citizen sa lungsod.

Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na jrreyes.0428@gmail.com o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0998-2025510.



OPEN POLICY VS COVID-19, DATI NANG IPINATUTUPAD SA MAYNILA
Source: Filipino Pinoys

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento