SILANG BALAT SIBUYAS NA ISINUSUKA NG TAUMBAYAN

Binira ni Pangulong Duterte ang Commission on Audit (COA) matapos ilabas nito ang audit report hinggil sa ‘deficiencies’ sa paggamit ng pondo ng DOH sa kasagsagan ng pandemya noong 2020 na nagkakahalaga ng 67.32 bilyong piso.

Tantya natin, mistulang batang paslit si Health Secretary Francisco Duque III na nagsumbong kay Tatay Digong matapos ulanin ng kaliwa’t kanang batikos ang DOH dahil sa taunang COA report.

Bagaman normal sa Pangulo na kampihan si Mang Isko bilang paboritong anak-anakan kahit pa ito ang nagbibigay sa kanya ng labis na kahihiyan.

Subalit trabaho rin naman ng COA na suriin ang paggamit ng pondo ng DOH lalo pa’t napapaloob dito ang allowances at suweldo ng mga health personnel na tinamaan na nga ng covid-19, dilat pa ang pamilya sa gutom bunsod sa marami pa rin sa kanila ang hindi nakatatanggap ng sapat na ayuda mula sa ahensyang ito.

Iginiit nga nina Senador Richard Gordon at Sorsogon Governor Chiz Escudero na kailangang ipaliwanag ni Duque kung paano nagkawindang-windang ang paggamit ng kwartang ‘yan mula sa buwis ng mamamayang sadyang namulubi matapos tamaan ng pandemyang ito at hindi ‘yung paiyak-iyak ng kalihim.

Tangna, nakuha pa ng mokong na mag-drama na hindi na raw siya nakatutulog mula nang lumabas ang COA report samantalang hindi man lang sumagi sa isipan ng kumag ang ilang milyong kababayan kumakalam ang sikmura sa gutom na apektado ng krisis na ito dahil sa walang direksyong programa ng DOH.

Ewan ko ba’t marami naman sanang mahusay at karapat-dapat na maging pangkalahatang pinuno ng ahensyang ito subalit heto’t pinagtatiyagaan ng administrasyon ang kapalpakan at kapabayaan ni Mang Isko na salarin ng urong-sulong na pagtugon ng DOH sa lumalalang pandemyang ito.

At hetong Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) namang animo’y mangingisdang ninakawan ng huli, humingi rin daw ng saklolo kay Pangulong Duterte makaraang umalingasaw sa taumbayan ang pagbili nila ng sanitary napkins,h ygiene kits at thermal scanner sa halagang 969,920 piso sa isang multong hardware sa halip na sa drugstore na naglipana naman sana malapit sa kagawarang ito.

Ilan pa kayang ahensya ngayon ang nasa listahan ng COA na sabit din sa maanomalyang transaksyong tuwing inilalantad sa publiko ay tatakbo kay Tatay Digong at magkukubli ritong dahilan nang hindi matuldukang korapsyon sa gobyerno?


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento