HINDI na kailangan pa ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na bisitahin pa nang personal ang mga lugar sa lungsod na ipinalinis at ipinaayos niya sa maikling panahon lang ng panunungkulan, partikular ang area ng Divisoria at Blumentritt, para alamin kung napapanatili ang kaayusan.
Gumagamit na kasi ang Pamahalaang Lungsod ng drone o ‘yung tinatawag na remote controlled unmanned aerial vehicle upang makuhanan ng aerial shots ang mga lugar para matiyak na napapanatili ng kapulisan at barangay ang kalinisan at kaayusan sa kanilang nasasakupang lugar.
Sa katunayan, pino-post pa nga ni Yorme sa kanyang social media account na facebook ang aerial video na kuha ng drone sa kahabaan ng C.M. Recto sa Divisoria at sa paligid nito para ibida sa publiko ang pananatili ng kalinisan at kaayusan sa lugar.
Kadalasan, pinalilipad ang drone sa mga oras na bukas ang night market sa Divisoria, para ipagmalaki ang abilidad ng kapulisan sa pagpapanatili ng disiplina at kaayusan ng mga vendor, delivery truck at daloy ng pampubliko at pribadong sasakyan sa lugar.
Makikita sa mga post ni Yorme sa kanyang FB ang ginagawang pamamaraan ng mga pulis upang mapanatili ang kalinisan at disiplina ng mga vendor sa Divisoria na magkatuwang na pinangangasiwaan nina Moriones Tondo Police Station-2 chief P/Lt. Col. Magno Gallora Jr., at Dagupan Outpost sa pamumuno ni P/SMS Gerardo Tubera.
Mahigpit kasi ang direktiba ni Mayor Domagoso kay Manila Police District (MPD) Director P/BGen. Leo Francisco na ituloy at huwag putulin ang pagpapanatili ng night market sa Divisoria sa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) dahil kailangan ng mga Manilenyo na may lugar na pagbibilhan ng mga murang produktong pagkain, lalo na ang mga gulay.
Isa sa paraan ni Sgt. Tubera para mapanatili ang kalinisan sa nasasakupan nilang lugar ang pagpapairal ng programang “Puwesto Ko LinIS KO” kaya ito ang nakatimo na sa isipan ng mga vendor sa tulong ng Fire Volunteers.
Ganito rin larawan sa Blumentritt market sa ilalim ni PCP Commander P/Lt. Ferdinand Cayabyab.
Mag-post ng isang Komento
0 Mga Komento