Pinas, kulang sa maayos na OFW reintegration program – VP Leni

Manila, Philippines – Kulang umano sa maayos na OFW reintegration program ang bansa kung kaya’t maraming mga Pilipino sa abroad na nakatakdang magretiro ngunit takot pang umuwi ng Pilipinas.
Ayon kay Vice President Leni Robredo, walang malinaw na plano at programa kung paano magagamit ng mga overseas Filipino workers o OFW ang kanilang naipon mula sa pagtatrabaho.
Dagdag pa ang kawalan ng kasiguruhan sa kasalukuyang economic environment ng bansa.
“Iyong sa atin kasi tinitingnan natin na iyong ating mga workers ay siyempre, source of remittances kaya kino-consider natin silang bayani. Pero para sa akin, kung kino-consider natin silang bayani, kailangan asikasuhin natin iyong pangangailangan nila,” sinabi ni Robredo sa isang forum nitong Martes, Agosto 24.
Ibinahagi rin ng bise na noong alkalde pa ng Naga City ang kanyang asawa na si Jesse Robredo, sinimulan nito ang kahalintulad na programa para sa kanilang mga residenteng balik-Pinas.
Mayroon rin umanong itinayong center for migration na nag-aalok ng skills training program at financial literacy clases para sa mga OFW na gusto nang mag-retire.
“Iyong mga pagpaplano na kabahagi iyong pamilyang naiwan dito. Iyong sa akin, agree na wala tayong sufficient na ginagawa pagdating doon,” paliwanag niya.
Naiintindihan umano niya ang nararamdaman ng mga Pinoy na kinakailangang magtrabaho sa ibang bansa upang maiahon sa hirap ang kani-kanilang pamilya.
Mag-post ng isang Komento
0 Mga Komento