PBA players, teams binalaan ni Kume

MANILA, Philippines – Inulit ni Philippine Basketball Association (PBA) commissioner Willie Marcial ang babala niya sa lahat ng manlalaro ng bawat koponan na papasok sa semi-bubble o’ closed circuit set up sa pagpapatuloy ng elimination round ng 46th season ng Philippine Cup na mapapatawan ang mga ito ng malaking parusa o suspensyon sakaling lumabag sa health, safety and standard protocols na ipapatutupad.

Ito’y matapos basbasan ng Inter Agency Task Force (IATF), Provincial Government ng Pampanga mula kay Gov. Dennis Pineda at ng eskwelahan ng Don Honorio Ventura State University, na hinihintay na lamang ang pirma ng mga Board of Trustees, ang pagbabalik aksyon ng kauna-unahang professional league sa Asya matapos pansamantalang maantala ang mga laro sa National Capital Region (NCR) bunsod ng pagtaas ng kaso ng coronavirus disease (COVID-19) at paglalagay sa mas mahigpit na quarantine protocols sa kabuuang rehiyon.

“May mga kanya-kanyang protocols ang eskwelahan, sa government ng Pampanga, at CDC, nagusap-usap na po kami na bawal lumabas ang mga players ng hotels at villas. Hindi sila pwedeng lumabas,” pahayag ni Marcial nitong Huwebes ng umaga sa weekly TOPS Usapang Sports on Air na suportado ng Pagcor, Philippine Sports Commission at Game and Amusement Board.

“Kung dati ang testing namin ay every 14days, ngayon every 7days RT-PCR at bago mag-game ang team, kung maglalaro ka ngayong araw na ito magpapa-test ka ng antigen bago mag-simula.  Yung mga hakbang na significant, madami po ang protocols ng school at probinsya ng Pampanga,” dagdag ng ika-10th commissioner ng PBA.

Ayon sa 59-anyos na tubong Batangas City, mas hihigpitan ng liga ang pagbabantay at pagtingin sa lahat ng manlalaro, staff at mga lalahok sa torneo upang maiwasan ang pagkakaroon ng kaso ng COVID-19 sa kanilang hanay.

Sinabi ni Marcial na bukod sa mga PBA staff na magbabantay sa mga manlalaro, katulong rin nila ang Central for Disease Control at pakikipag-ugnayan sa opisina ni Gen. Valeriano De leon ng Regional Office Command ng Region 3 upang magpatrolya sa mga tutuluyang mga hotels, villas at mismong venues na pagdarausan ng mga laro at trainings upang maiwasang lumapit sa mga magtutungong fans at lumabas ng semi-bubble set-up.

Sakaling mahuli ang sinoman sa mga players, staff, coaches ng 12 koponan ay papatawan ang mga ito ng pinakamababang parusa na P50,000 hanggang P75,000 pataas at suspensyon ng walang suweldo.

“Kausap ko ang mga players 3 days ago na sila ang magpo-police kung gusto talaga nilang matuloy ito, na maging successful ito, nasa kanila talaga, na may tulong din kami, pero sinabi ko sa kanila na oras na mahuli namin na may lumabas o may magtestify na lumabas ka, minimum of P50,000 to P75,000 or more fine at baka suspension without pay ang ibigay po natin,” paliwanag ni Marcial. “Kase [may mga] fans, na pupunta sa venue or mga hotels, so may umiikot po ng taga-PBA, may umiikot din sa CDC yung mga ibang PNP pero sinabihan na namin ang mga players.”

Nagsimula ng magsanay ang mga koponan sa Colegio de San Sebastian sa San Fernando, Beverly Place Golf and Sports Club sa Mexico, Pampanga at Angeles University Foundation Sports and Cultural Center sa Angeles, Pampanga, ang pinagdausan ng ‘PBA Bubble’ nung isang taon.

Nakatakdang magbukas ang mga laro sa unang linggo ng Setyembre na may nakalinyang double-header tuwing Huwebes at Sabado at triple-games na gagawin naman kada Miyerkules, Biyernes at Linggo, habang nakalaan naman ang araw ng Lunes para sa RT-PCR tests para sa pangkalahatan.Rico Navarro


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento