Manila, Philippines – Inihayag ng Philippine Red Cross (PRC) na umabot na sa 11,003 ang nabakunahan sa pamamagitan ng kanilang ‘Bakuna bus.’
Ipinakalat ito sa iba’t ibang lugar sa Luzon at Visayas.
Ayon kay PRC Chairman and Chief Executive Officer (CEO) Senator Richard Gordon, patuloy ang Red Cross sa pagiging aktibong katuwang ng gobyerno sa pagsugpo sa COVID-19 na kailangang maging mabilis at maliksi.
Ilan lamang sa mga Bakuna bus ay mula sa UBE Express at Victory Liner.
Nito lamang Agosto 24, nakapagserbisyo ang Bakuna bus ng PRC ng 2,186 indibidwal sa mga lugar sa UP Manila, Brgy 186 North Caloocan, Bauan Technical Highschool, Batangas, Poblacion Sta. Cruz, Laguna, SM Molino, Bacoor, University of Perpetual Help, GMA sa Cavite, at Brgy Gun-ob sa Lapu-Lapu, Cebu.
Noong Agosto 25, sinabi ng PRC na layon nitong mabakunahan ang 2,600 indibidwal laban sa COVID-19 mula sa mga priority group gamit ang Sinovac.
Mayroon ding mobile health truck sa PRC Batangas Chapter na donasyon naman ng Rotary Club ng Metro Batangas at Rotary International.
Sa ngayon ang mga Bakuna Buses ng PRC ay nasa Navotas Fishport sa NCR, Sta. Cruz, Laguna, Lipa, at Sto Tomas Batangas, Imus, at General Trias, Cavite.
“Move vaccines to more regions, deploy additional people, and most importantly, vaccinate all COVID-19 priority groups” ayon kay Gordon.
Maliban sa bakuna na ibinigay ng gobyerno, sagot ng PRC ang iba pang gastos sa ilalim ng COVID-19 Vaccination Program ng gobyerno,[kasama ngunit hindi limitado sa] mga hiringgilya, mobilisasyon, at mga allowance ng bakuna.
Maaring magrehistro ang mga interesadong indibidwal na nais magpabakuna sa pagtawag sa 1158.
“In line with its mandate ‘Always First, Always Ready and Always There,’” ayon sa PRC. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)
Mag-post ng isang Komento
0 Mga Komento