Manila, Philippines – Na-download na ang Special Allotment Release Order (SARO) para sa P311 milyong halaga ng Special Risk Allowance (SRA) sa Centers for Health Development (CHDs).
Ang nasabing pondo ay magbibigay benepisyo sa karagdagang 20,208 healthcare workers.
Ayon sa DOH, inilipat na ang pondo sa CHDs at saka ipamamahagi sa kani-kanilang local government units at private health facilities sa susunod na mga araw.
Ang 311 milyong piso ay unang batch ng fund transfer para sa SRA sa mga ospital at health facilities na nagsumite ng karagdagang listahan ng mga karapat-dapat na mga healthcare workers.
“Naibigay na po ng DBM ang paunang request na 311 million pesos para sa SRA ng 20,208 na healthcare workers. Huwag po kayong mag-alala at madadagdagan pa itong bilang ng mga healthcare workers na makakatanggap ng SRA sapagkat kasalukuyan tayong nakikipag-ugnayan sa iba’t ibang LGU at private hospitals sa pamamagitan ng ating mga CHD, upang makalap ang bilang ng health workers na marapat pang makatanggap ng SRA. Nakikiusap po kami na ang mga ospital at health facilities ay makipagtulungan sa kani-kanilang mga CHD upang makapag-submit ng kanilang mga requirements. Ang ating Centers for Health Development naman ay handa pong gabayan kayo. Magtulungan po tayo dito,” pahayag ni Administration and Financial Management Head Undersecretary of Health Leopoldo Vega.
Idinagdag ng DOH na mula sa simula ng COVID-19 pandemic ay suportado nito ang mga manggagawa sa pangangalaga ng kalusugan na makatanggap ng SRA at ito ay magpapatuloy.
Ang DOH sa pamamagitan ng mga CHD ay nakikipag-ugnayan rin sa publiko at pribadong mga ospital upang isumite ang kanilang listahan ng mga karapat-dapat na HCW na makakatanggap pa ng SRA hanggang ngayon at sumunod sa mga kinakailangan upang mapadali ang mga kahilingan ng karagdagang pagpopondo mula sa DBM.
Inasatan din ng DOH ang mga CHDs na magsagawa ng town hall sessions kasama ang hospital management healthcare workers sa pagproseso ng SRA. (Joceyn Tabangcura-Domenden)
Mag-post ng isang Komento
0 Mga Komento