Pagbibitiw sa pwesto ni Duque na kumalat sa socmed, pinabulaanan ng Malakanyang

Manila, Philippines – “NOT true.”

Ito ang diretsahang sagot ni Presidential spokesperson Harry Roque sa pamamagitan ng text message matapos kumalat ngayon sa social media na nagbitiw na sa puwesto si Health Secretary Francisco Duque III.

Kamakalawa ay sinabi ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na tatanggapin niya sakaling boluntaryong magbitiw sa puwesto si Duque III.

Pero agad ring nilinaw ni Duterte na hindi niya sisipain sa puwesto si Duque.

“Now ngayon, kung si Duque will offer to resign voluntarily, tatanggapin ko. Pero kung sabihin mo ako ang magsabi sa kanya mag-resign ka, that will never happen, that will never happen,” ani Duterte.

Pero kung may makita aniya siyang mali kay Duque kahit P10,000 lang ang sangkot na pera ay yayariin niya ang kalihim.

“Pero ‘pag may naki­ta ako ng mali sa kanya, maski sampung libo lang o singko mil, talagang sabi ko yayariin kita kasi ipahamak mo ako sa tao eh. Nilagay kita diyan tapos sisirain mo ako by committing…”

Matatandaan na mu-ling naging kontrobersiyal si Duque matapos punahin ng Commission on Audit ang ilang “deficiencies” sa P67 bilyong pondo para sa COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Duterte na malinaw naman ang naging finding ng COA na walang nawawalang pondo bagaman at nagkaroon na ng “damage” kay Duque.

At sa kabila nang gina-wang paglilinaw ng COA ay nasira na si Duque at ang DOH.

“In the process, they had already painted black the white people there. Iyan nga ang masama diyan kasi ang sabi ko nga magtanong ka ng sampung tao on the streets, in all probability ‘yang sampu magsabi ‘eh ayan ‘yung COA ngayon naglabas ng ano corruption.’ So nasisira si Duque, nasisira lahat ang sa departamento ng health, at ako naman, it would reflect on me as President,” lahad pa ni Pangulong Duterte. Kris Jose


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento