Makabayan bloc nanlilinlang lamang – Esperon

MANILA, Philippines – Nanlilinlang ang mga miyembro ng Makabayan Bloc sa Kongreso sa paulit-ulit nitong sinasabing nilulustay lang ng ibang ahensya ng pamahalaan ang mga pondo nitong inililipat sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Ito ang paliwanang ni National Security Adviser at NTF-ELCAC Vice Chairman Hermogenes Esperon Jr. na ang sabi ay itinatago lang din ng Makabayan Bloc ang mga baho nito sa pagpihit ng mga isyu para maikubli ang mga nakukuhang pondo nito sa Kongreso, na ipinantutustos lang sa mga teroristang operasyon ng Communist Party of the Philippines, New People’s Army, National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Sa ginanap na ‘virtual’ na balitaan ng NTF-ELCAC, inihayag ni Esperon na ginagamit lang ng Makabayan Bloc sa pangunguna ng Gabriela Partylist ang pagpapatawag ng imbestigasyon sa Kongreso hinggil sa inilabas na ulat ng Commission on Audit (CoA) na ilang ahensya ng pamahalaan ay may mga pagkukulang sa pagsusumite ng mga dokumento upang suriin ng komisyon.

“Gabriela and the Makabayan Bloc, I think is misinformed. Hindi nila alam ang sinasabi nilang panay daw ang transfer ng pondo sa NTF-ELCAC,” pagdidiin ni Esperon at sinabing walang nangyayaring paglipat ng pondo ng mga ahensya sa kanilang task force.

Hinamon ni Esperon ang Gabriela na patunayan na lang na ‘di talaga ito tumanggap ng mga pondo galing sa mga banyagang bansa tulad ng Belgium na kanyang pinatunayan sa pagdinig sa Comelec o kaya naman ay isiwalat din ng Makabayan Bloc kung saan napupunta ang nakukuha nitong pondo bilang mga representate sa Kongreso.

Dumalo rin sa balitaan ang kinatawan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na si Deputy Director Lina Sarmiento upang ipaliwanag na walang naganap na paglipat ng P160 milyong pondo ng ahensiya sa NTF-ELCAC.

Wala raw katotohanan ang mga maling ulat na inilabas ng ilang pahayagan na hindi binasa ang buong CoA Report. At ang tama, aniya, ay ang mismong sagot ng TESDA na kasama sa ulat ng CoA na P147 milyon sa nasabing pondo ay naibaba na sa kanilang mga regional offices upang gugulin sa mga scholarship program kabilang na ang para sa mga nagsisukong rebelde at mga IPs o Indigenous People.

Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay ganun din. Sa pamamagitan ni Undersecretary Glen Paje, sinabi ng opisyal na kailangang mag-ingat ang media sa paguulat ng mga gaya ng inilabas ng CoA upang di malito ang publiko. Ang DSWD aniya ay nakiisa na sa komisyon na isusumite ang mga hinahanap nitong mga original na kopya ng hinihingi nitong mga dokumento.

Maging ang kapulisan ay nag-pahayag din, na walang “anomalya at iregularidad” ang iniulat ng CoA  na P723 milyon pa ang di nagagamit na pondo ng NTF-ELCAC para sa 2020 ng Philippine National Police (PNP).

Inulit ni PNP Deputy Chief for Administration PLt. Gen. Joselito Vera Cruz ang pahayag ni PNP Chief Guillermo Eleazar na ang nasabing pondo ay nai-release lang ng October 2020 ngunit sinabi ng Department of Budget and Management (DBM) na maari pa nila itong gamitin hanggang December 31, 2021dahil ito naman ay “continuing appropriation.”

Samantala, klinaro rin ni Department of Interior and Local Goverment (DILG) Secretary Eduardo Año na wala rin silang inilipat na pondo sa NTF-ELCAC at nakapagbaba lamang sila ng pondo sa DILG Region XII para sa pag-iimplementa ng mga programa ng departamento sa mga barangay doon bilang suporta sa Executive Order No. 70 ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte na dapat gumamit ng “whole-of-nation approach” para tapusin ang paghahari-harian ng CPP-NPA-NDF.

Ikinagulat ni Año ang pagkwestyon ng Makabayan Bloc sa pagbaba nla ng pondo ng DILG sa kanilang mga field office ganung ang Kongreso mismo ang nagtalaga at nag-apruba ng pondo ng kanyang departamento. RNT


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento