ILOCOS SUR- Tigok ang isang 50-anyos na lalaki matapos umanong saksakin ng hindi nakilalang lalaki habang nagpapahinga sa loob ng sementeryo sa Brgy. Rosario, Cervantes ng lalawigang ito kahapon.
Kinilala ng Cervantes Municipal Police Station ang biktima na si Arnold Del Rosario Bañez, may asawa, residente ng Brgy. Concepcion ng naturang bayan.
Sa inisyal na imbestigasyon, katatapos lang umanong magtrabaho sa loob ng Cervantes Cemetery ang biktima at kasalukuyang nagpapahinga nang lapitan ng hindi nakilalang suspek.
Pagkalapit na pagkalapit umano ng suspek ay agad nitong inundayan ng saksak ang biktima at pagkatapos ay mabilis na tumakas.
Ang biktima ay agad na humingi ng tulong sa mga nakatira malapit sa lugar at agad naman siyang dinala sa ospital.
Gayunman, ang biktima ay hindi na nagawang isalba pa ng umatending doktor.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Cervantes Police para alamin kung ano ang motibo sa naturang krimen at tukuyin kung sino ang salarin. Rolando S. Gamoso
Mag-post ng isang Komento
0 Mga Komento